Vitangcol dapat nang sibakin | Bandera

Vitangcol dapat nang sibakin

Jake Maderazo - April 07, 2014 - 03:28 AM

HINDI ko alam kung bakit  inabot  na ng halos isang taon pero hindi pa rin makapagdesisyon  ang Malakanyang at maging ng NBI sa kasong extortion ni MRT general manager Al Vitangcol.
Sumusumpa si Czech ambassador Joseph Rychtar na nanghingi si Vi tangcol ng $30 milyon na lagay para sa mga dagdag na bagong  trains sa MRT3.
Ang mga tumatakbong trains ngayon sa MRT ay galing lahat sa Inekon company ng Czechoslovakia . At natural lamang na  kung  kukuha tayo ng mga bagong tren o bagon  ay doon din dapat sa kanila dahil  subok na at angkop sa kasalukuyang signalling at railway system.  Ang kaso, hindi na Czech trains ang darating kundi galing na sa China.
Tandaan natin na umaabot sa 600-700 thousand ang mga pasaherong sumasakay sa MRT3 araw man,  kaya hindi maaaring balewalain ang kaligtasan ng mga ito. Isa tayo sa umaasa  na ang prototype train galing sa Dalian locomotive ng China na darating ngayong taon, sabi ng DOTC, ay magiging tagumpay at hindi magkakaproblema sa kasalukuyang sistema. Sana lang ay dumating na ang 48 bagong bagon  para magamit na at makapagdulot naman ng konting kaginhawahan sa mga pasahero.
Pero, paano kung palpak ang prototype at magkaroon ng aksidente? Chinese technology, ilalagay mo sa Czech technology?
Ayon sa DOTC, susunod nilang ibi-bidding ang signalling at power supply system ng MRT3. Ibig bang sabihin, Chinese tech na rin ang ilalagay. At ano itong balita na pati riles ay papalitan na rin? Mukhang nakakaduda ang mga pangyayaring ito.

Kung tutuusin simple lang ang problema– kailangan ng bagong bagon at update ang signaling at power system ng Czech supplier. Negosasyon ang kailangan kung magtataas ng presyo. Pero nagkawindang-windang dahil nga sa umano’y extortion ni Vitangcol sa Inekon company. At di na natuloy ang usapan….

Ngayon dahil magpapalit ng tren, nanganganib tuloy tayong mga mananakay.
qqq

Bakit nga kaya di kayang sibakin n PNoy si Vitangcol ?
Merong mga alegasyon na malapit ito sa bayaw ni PNoy na si Eldon Cruz na asawa ni Ballsy na una nang isinabit sa isyu. Pero  pinabulaanan ito ng Czech ambassador at tanging idinidiin ay si  Vitangcol. Ibinaba pa raw  ang kotong sa $2.5M  at ang derektang nakadinig  ay isa pang kontratista na nagngangalang  Wilson de Vera.
Sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, iniutos na ni PNoy ang imbestigasyon sa NBI ukol dito at hindi nito pinuproteksyunan si Vitangcol. Pero  sabi naman ni NBI Director Virgilio Mendez ang imbestigasyon nila ay nakatuon kung sino kina Rychtar at Vitangcol ang nagsisinungaling.
May 11 buwan na ang lumipas pero wala pa ring nangyayari.  Maliwanag na  dini-dribol lang tayo. Ibinalik pa nga si Vitangcol sa pwesto  at di nagtagal ay nagkasunud-sunod na ang problema sa MRT na isinisisi na sa trabaho ng  Czechoslovakia. Hindi naman matanggap ni Amb. Ryctar ang ganitong pamamahiya.

Bakit sobrang lakas ni Vitangcol sa Malakanyang?  Protektado nga ba siya ng bayaw ni PNoy at kapatid nitong si Viel?  Sabi ng Malakanyang, isa itong espekulasyon. Pero,  kung Tuwid na Daan ang pag-uusapan, hindi na dapat pinapatagal ang isyung ito. Lumalalim tuloy at  pati si DOTC Sec. Joseph Abaya ay nadamay na rin at ang lumilitaw na parang may basbas nito ang naganap na kotongan.

Sa aking palagay, unang dapat gawin ng Malakanyang ay sibakin si Vitangcol. Ikalawa, dapat magkaalaman na kung talagang  angkop ang prototype ng Chinese supplier na Dalian Locomotive sa mga ipapalit na train sa MRT3. At kung hindi uubra, magrebidding at palakasin na lamang ang kasalukuyang sistema. Hindi kapalit na MRT technology ang kailangan natin kundi upgrade lamang para iwas din sa malaking gastos. At please wala nang kotongan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending