Vitangcol hindi makanti ng Malacañang, baka magwala | Bandera

Vitangcol hindi makanti ng Malacañang, baka magwala

Bella Cariaso - April 06, 2014 - 03:00 AM

KAPANSIN-PANSIN na binabalewala ng Malacañang ang alegasyon ng Czech Ambassador to the Philippines na si Josef Rychtar na tinangka ni Metro Rail Transit (MRT) general manager Al Vitangcol III na kikilan ng $30 milyon ang Czech train car builder na Inekon Group.

Hindi ba’t noong isang taon pa pumutok ang isyu matapos mismong ang Czech ambassador ang nag-akusa kay Vitangcol?

Bagamat sinibak na ni Pangulong Aquino si Vitangcol, ibinalik muli ito sa puwesto.

Ganoon talaga ba ka-powerful itong si Vitangcol at maging si PNoy ay tila hindi siya kaya?

Ang usap-usapan ay ibinalik itong si Vitangcol bilang general manager ng MRT para hindi siya kumanta ng kanyang nalalaman hinggil sa kontrobersiya.

Kahit pa nawala ang isyu pansamantala, heto at umaalingasaw na naman ang baho na dala ng kontrobersya. Tila may nagmumulto sa administrasyon at ang multong ito ay halatang kinatatakutan ng mga tao sa Malacañang.

Sa muling pagsasalita ng Czech ambassador, idinawit pa niya ang isang Wilson de Vera na umano’y siyang kumatawan kay Vitangcol.

Batay na rin sa mga ulat, si de Vera ay miyembro ng Liberal Party (LP) na tumakbong mayor sa Pangasinan pero natalo.
Dahil sa kontrobersiyang ito, isinusulong ngayon ng ilang mambabatas na imbestigahan na ng Kamara ang isyu.

At dahil maugong at painit na ng painit ang balita tungkol sa kontrobersyang ito, napabalita na lumabas na raw ng bansa itong de Vera na sinasabi na siyang kumatawan kay Vitangcol.  Noong isang taon pa raw ito nakaalis ng bansa,
ayon sa Bureau of Immigration.

Noong Biyernes, iginiit ng Malacañang na dapat ay hintayin na lamang ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng NBI hinggil sa tangkang pangingikil.

Ang nakakaloka lang, bakit kaya kapag mga kaalyado ng administrasyon ang sumasabit ay tila napakabagal ng pag-usad ng kaso laban sa kanila?

Ilang beses na bang sumasabit ang mga kilalang malapit sa administrasyon. Hindi ba’t meron ding mga kaalyado ni PNoy ang sabit sa multi-bilyong pisong pork barrel scam pero hanggang ngayon ay walang nakakasuhan.

Sa alegasyon ng anomalya sa pagbili ng mga bagong tren ng MRT, hindi maiiwasang magalit ang libo-libong mananakay dahil sa harap ng kanilang nararanasang kalbaryo sa araw-araw, nais pa itong pagkakitaan ng ilan.

Tingin tuloy nila sa kanilang sarili ay iginigisa sila sa sariling mantika ng mga kawatan na nandiyan sa gobyerno partikular na ng ilang namamahala sa MRT.

Pinagmamalaki ni PNoy ang daang matuwid sa kanyang administrasyon. Hangad lang ng mga ordinaryong mamamayan ay mapanagot ang nasa likod ng tangkang pangingikil para makita nga na tuwid ang daan na tinatahak ng gobyernong ito.

Hindi dapat balewalain ng gobyerno ang alegasyon ng Czech ambassador at kung may imbestigasyon ngang isinasagawa ang NBI, dapat ay hindi ito matulog na lamang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa reaksyon at mga tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending