ISANG bagay lamang ang nasa isipan ni Manny Pacquiao sa panahong ito at ito ay ang maisakatuparan ang hangad na kumbinsidong panalo kay Timothy Bradley.
May mga naunang usapin na dapat ay sumira sa kanyang konsentrasyon tulad ang mga tax cases na pinagpiyestahan sa pahayagan at internet at sari-saring isyu patungkol sa kanyang pagiging politiko at religious leader.
Ngunit tiniyak ni Pacquiao na hindi siya apektado nito.
“There is nothing for me to worry about because I did not hide anything. So I am not worried about that,” wika ni Pacquiao.
Kahit ang usapin sa relihiyon ay hindi makakaapekto sa kanyang ipakikita dahil wala siyang mararamdamang awa kapag nagsagupa uli sila sa ibabaw ng lona ng nagdedepensang WBO welterweight champion na si Bradley sa Abril 13 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaan na pinuna ng ilang kritiko si Pacquiao matapos itong lumipat ng relihiyon dahil, ayon sa kanila, nawala ang pamatay na suntok ni Pacquiao bunga ng habag sa kalaban.
“The religion is a personal thing in my life and fighting in the ring, it’s boxing. It’s my profession. God always gives me strength,” ani pa ng Kongresista ng Sarangani Province.
Limang matitinik na sparmates ang tumutulong kay Pacquiao para maikondisyon siya at maganap ang hanap na knockout panalo kay Bradley.
Masidhi ang pagnanais ng kampo ni Pacman na mapatulog si Bradley para makabangon mula sa kontrobersyang split decision pagkatalo noong 2012.
“We don’t go into fights looking for knockouts, if you do that it’s not going to happen. We plan to beat him every round and if a knockout comes, it comes,” wika ni trainer Freddie Roach.
Suportado ni Pacquiao ang pahayag ni Roach kaya’t lahat ay gagawin niya sa ring para palambutin ang walang talong si Bradley at maisakatuparan ang asam na KO panalo.
“I will fight my best and watch him when I get in there. I can match him in boxing skills or if he decides to go toe-to-toe,” dagdag pa ni Pacquiao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.