MALI ang tanong kung hihinto na ang gulo sa Mindanao sa paglagda ng peace agreement. Ang tama ay mangarap at magdasal na sana’y lumatag na ang kapayapaan sa Mindanao. Libre ang mangarap at kailangan marubdob ang pagdarasal. Ito na kasi ang ikatlong kasun-duang pangkapayapaan. Ang dalawa ay noong 1976 at 1986. Ang pangarap noong 1976 at 1986 ay pareho lang: katahimikan. Pero, hindi nga nakamit ito. Simula kay Marcos hanggang sa Ikalawang Aquino ay katahimikan na ang pangarap.
Ang Unang Aquino ay dinayo pa si Nur Misuari sa kanyang teritoryo para hingin ang kapayapaan. Si Erap ay pinulbos ang kampo ng Moro Islamic Liberation Front para sa kanyang pananaw ng kapayapaan, gamit ang kamay na bakal.
Ang arawang obrero at taumbayan muli ang gagasta para sa kapayapaan sa Mindanao. Ito na ang pinakamagastos na kapayapaan dahil walang ulat at kuwentas klaras kung saan napunta ang pera ng taumbayan para lamang tustusan ang kapayapaan, ang Autonomous Region in Muslim Mindanao at napakaraming pantulong na development programs.
Umabot sa P14,000 ang gastos, sa isang buwan pa lamang, para sa pagkain ng mga alagang aso’t pusa nina Benito Tiamzon at Wilma Austria. Imported ang mga hayop na ito. Ang mga alaga ay pinakakain ngayon ng militar, gamit ang pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Kung sana’y may paraan lamang ang arawang obrero, ang taumbayan na pigilin ang paggasta sa pera nila mapakain lamang ang maluhong mga hayop.
Ang kumalat sa Internet na retrato ng payat na batang pulubi na binibigyan ng pagkain ng MMDA traffic enforcer sa kanto ng Tandang Sora at Commonwealth sa Quezon City ay patunay ng kabiguan ng gobyerno na ibsan ang labis na kahirapan. Ang kagutuman sa QC ay hindi pinansin ng mga opisyal nito. Ani Rep. Winnie Castelo, turuan na lang daw ng foreign languages ang mga palaboy at tambay para makapagtrabaho. Ha?!
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kunwari’y tinuligsa ng gobyerno ang smuggle ng bigas. Pero, pagkatapos noon, bumalik ba sa dati ang presyo ng bigas? Tumaas pa nga ang presyo ng bigas. Masasabi bang para sa Pinoy ang National Food Authority? Wala itong silbi. Mabaho pa ang NFA rice at para lang ito sa baboy at hindi sa tao. Ang NFA ang bumababoy sa pambansang bigas. Bigas-baboy pala ang ipakakain sa mahihirap. Ang sabi ng mga mambabatas ay maka-maralita sila. Bakit hindi nila ipagtanggol ang mga maralita ngayon na kumakain ng mabahong bigas? Dapat alisin na ang mga trapo. Jonas Briones, ng Marikina …1187
Dapat palitan na si PNP chief Alan Purisima. Puro lang siya daldal, wala namang kakayahan laban sa dumaraming mga sindikato. Puro pa-pogi points lang siya at pasarap sa puwesto niya. Saludo kami kay Conrad Capa. Matatag ang kalooban niya at may paninindigan. Iyan ang gusto ng taumbayan sa opisyal ng pulisya. Hihintayin kong maging PNP chief si Capa, kung hindi siya pag-iinitan at gagantihan. Bagua, Poblacin 6, Cotabato City. 1878
Magandang malamok na araw sa inyo, Bandera. Pakitawag naman ang pansin ng mayor ng Pasig o ang kapitan ng Barangay Manggahan. Sobrang malamok na sa aming lugar. Nagpagawa ang City Hall ng maraming imbornal at dito napunta ang malaking pera ng taumbayan. Ang mga imbornal na ito ngayon ang bahay at itlugan ng mga lamok. Estong M., ng Mabini st.
May pagkakataon pa si Pacman na makabawi kay Marquez. Kung tataluninin niya si Bradley. …8940
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.