Hugas-kamay na naman ang DSWD | Bandera

Hugas-kamay na naman ang DSWD

Bella Cariaso - March 23, 2014 - 12:51 PM

NAIIPIT na naman ang DSWD. Matapos kasing kumalat ang balita sa umanoy ginawang pagpapapirma ng kagawaran na hinahawakan ni Dinky Soliman sa mga biktima ng bagyong Yolanda na sila ay sumasangayon at nasisiyahan sa naging mabilis na pagkilos ng gobyerno para tugunan ang kanilang pangangailangan, kapalit ang P1,200, heto at panibagong kontrobersya na naman meron ang DSWD.

Paano naman kasi, may bago na namang ulat na kesyo namimigay ang DSWD ng mga expired at inuuod na mga relief goods.

Laganap daw ang ganitong mga insidente sa Palo, Leyte.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang mga opisyal ng mga barangay ng mga relief goods mula sa kanilang munisipyo para naman ipamigay sa mga residente. ‘Yun nga lang hindi na raw mapakikinabangan ang mga ito maging ng mga
hayop.

Naging patakaran na kasi ng pamahalaan na sa mga pinuno ng barangay dadaan ang mga relief goods, na siya namang mamamahagi sa mga residente.

Ang siste, nang nirerepack ang mga ibinigay na relief goods, nakitang bukod sa expired na ang mga ito, nabubulok at inuuod pa ang mga pagkaing ipapamigay sana sa mga biktima ng Yolanda.

Naturingang mga biktima gusto pang biktimahin uli!

May ulat pa na bukod sa naipamahagi na sa mga barangay ang mga expired at bulok na pagkain, ilang trak din ang nakita ng mga residente na ibinabaon sa lupa dahil sa sira na ang mga ito.

Gaano ba karami ang mga na-expired na relief goods na pinabayaaang mabulok sa mga bodega bago naisipang ipamigay sa mga biktima ni Yolanda? Ipinagdadamot kasi. Alam namang sobra sa tindi ng pangangailangan ang mga biktima kung bakit tinitipid nang tinitipid eh hindi naman sa bulsa nila galing ang nga donasyong iyon. Hayun tuloy imbes na mapakinabangan, mga uod na lang ang nag-enjoy!

Bagamat nag-utos na ng imbestigasyon ang Palasyo kay DSWD Secretary Dinky Soliman, hindi na umaasa ang publiko na may mapapanagot sa nangyari. Ikaw ba katropa umaasa kang may makakasuhan at makukulong dyan? Aamin ba si Dinky na sya mismo ay pagkukulang?

Hindi ba’t noong nakaraan ay naging isyu rin na ibinibenta sa ilang mall sa Maynila ang mga ready-to-eat na mga pagkain na sinasabing ibinigay ng ilang mga bansa bilang donasyon sa mga nasalanta ni Yolanda? May nakasuhan ba? Wala!

Mahigit apat na buwan na ang nakakalipas pagkatapos manalasa ni Yolanda kayat hindi kataka-taka na masira nga ang mga relief goods.

Bukod sa maliwanag na kapabayaan ang nangyari kayat nabulok lamang ang mga relief goods. Hindi sa ayaw natin ng walang proseso pero sana naman sa ganitong mga pagkakataon kailangan ang mabilisang aksyon para mapakinabangan agad ng ating nga kababayan ang tulong na kailangan nila hindi ‘yung aabutin ng buwan-buwan para i-discuss kung paano ito ipamamahagi.

Ninais pa ng mga kinauukulan na masira ang mga pagkain kaysa mapakinabangan ng mga residente.

Hindi rin kataka-takang maghugas-kamay muli ang DSWD dito at sasabihing naipamahagi na ang mga ito sa mga LGUs na siya namang dapat mamigay sa mga residente.

May alegasyon din na binabawasan ng limang kilo ang dapat sana ay kalahating kabang bigas na ipinamimigay ng DSWD sa mga residente na dapat ay tumitimbang ng 25 kilo.

Sa bandang huli, LGUs na naman ang lahat ng may sala dito at walang kasalanan ang DSWD.

Kung may kapabayaan sa parte ng ilang kawani ng DSWD o talagang ang LGUs ang may kasalanan, dapat ay papanagutin ang mga maysala.

Da who naman ang opisyal na ito na pinagpipiyestahan ng mga empleyado dahil bali-balita ang pagpaparetoke ng parte ng mukha nito.

Usap-usapan kasi na may pinaayos ang opisyal sa kanyang mukha kayat hindi tuloy maiwasan ng mga empleyado na sipat-sipatin siya para malamang kung nagparetoke nga ba siya ng mukha.

Ikinukumpara tuloy ng mga kawani ang dating larawan ng opisyal sa kasalukuyan niyang mukha para lamang makita kung may nagbago nga sa kanya.

Hindi naman natin masisisi ang opisyal kung nais niyang magpaayos ng parte ng kanyang mukha dahil nga naman madalas siyang makita sa telebisyon.

Sigurado akong alam niyo na ang tinutukoy ko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa komento, reaksyon at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending