‘Ikaw Lamang’ kuwento ng inggitan, katrayduran at runay na pag-iibigan
KUNG hindi ako reporter at ordinaryong manonood lang, iisipin kong pelikula ang seryeng Ikaw Lamang na pinanood namin sa Trinoma noong Linggo.
Ang ganda ng simula ng kuwento ng Ikaw Lamang, ipinakita ang buhay ng mayayaman na sinasamba ng mahihirap nilang trabahador sa pag-aaring tubuhan na kinunan sa Negros – nagsimula ang kuwento noong dekada 60.
At dahil hindi pa uso noon ang de kulay kaya’t sepya ang ginamit sa mga eksena, pati ang mga pananamit ng mga artista, itsura ng bahay at mga sasakyan, ay makaluma. Ang galing ng writer ng Ikaw Lamang dahil well-research ito.
Inamin din naman sa amin noon ng Dreamscape Entertainment head na si Mr. Deo T. Endrinal na inabot sila ng isang taon at kalahati para mabuo ang istorya ng serye.
Sana’y masubaybayan ito ng manonood lalo na ang buong linggong episode na napanood namin. Nagsimula na kagabi ang Ikaw Lamang at sigurado akong mabibitin din kayo sa first episode kaya huwag na huwag bibitiw sa pilot week para malaman n’yo kung saan nanggagaling ang mga karakter nina Cherry Pie Picache, Angel Aquino, John Estrada, Tirso Cruz 111, Cherie Gil, Ronaldo Valdez, Spanky Manikan, Ronnie Lazaro, Daria Ramirez, Meryll Soriano, Ella Cruz, Alyanna Angeles (batang Kim Chiu), Louise Abuel (batang Jake Cuenca), Xyriel Manabat (batang Julia Montes) at Zaijian Jaranilla (batang Coco Martin).
Sakada ang tawag sa mga manggagawang sina Cherry Pie, Spanky, Daria, Ella, Xyriel at Zaijian sa bayan ng Salvacion, Negros, nagtatrabaho sila para sa pamilya ni John na may lihim namang galit kay Tirso na siyang alkalde sa kanilang bayan.
Ayaw ni John kay Tirso dahil lagi siya nitong tinatalo sa eleksiyon. Pinakasalan naman ni Tirso si Cherie Gil kahit na alam nitong buntis na. Si Louise nga ang naging bunga nito.
Naging masama ang ugali ng bata dahil sa sulsol ng lolo nitong si Ronaldo. Kaya sa murang edad ay nagrerebelde na ang bata na ikinaiinis ni Tirso.
Nagkakilala naman ang anak nina John at Angel na si Alyanna at si Zaijian na anak naman ni Cherrie Pie sa pagkadalaga.
Nagkita ang dalawang bata sa simbahan hanggang sa mauwi ito sa magandang pagkakaibigan.
Samantala, para maging proud sa kanya ang ama, nakipagkasundo si Louise kay Zaijian, tuturuan niya itong magbasa kapalit ng pagtuturo sa kanya kung paanong magtanim ng tubo.
Dahil dito, naging malapit silang magkaibigan, pati na rin sina Alyanna at Xyriel. Ngunit magkakaroon ng “selosan” sa pagitan ng apat na bagets dahil sa pagkakamabutihan nina Zaijian at Alyanna.
Pero biglang masisira ang magandang samahan nila nang magkasunog sa tubuhan, dito tutulungan ni Zaijian si Alyanna pero palalabasin ni Louise na siya ang nagligtas sa buhay ng kababata.
Sa unang pagkakataon ay naging proud si Tirso sa anak-anakan dahil sa pag-aakalang gumawa ito ng kabutihan. Inutusan naman ni Louise si Zaijian na huwag na huwag sasabihin ang totoo kung gusto pa nitong manatili ang pagkakaibigan nila.
Pero dumating ang pagkakataon na kinailangan ni Zaijian na sabihin ang totoo para hindi maparusahan ang taong pinagbintangang nanunog ng tubuhan.
Galit na galit si Tirso sa anak dahil sa pagsisinungaling nito at nasira naman ang pagkakaibigan nina Zaijian at Louise sa paglabas na katotohanan.
Nagdesisyon naman ang mga magulang ni Alyanna na dalhin ito sa London para ilayo kay Zaijian, nagsumbong kasi si Louise na naging malapit nang magkaibigan na ang dalawa.
At kahit na ayaw umalis, napilitan ding sumunod si Alyanna sa mga magulang.Pinakiusaan niya si Xyriel na sabihin kay Zaijian na magkita sila sa kanilang tagpuan bago siya umalis, pero hindi ito sinabi ni Xyriel.
Nag-iiyak si Zaijian nang hindi na niya naabutan si Alyanna. Sumunod din sa London si Louise habang si Xyriel naman ay umalis ng probinsiya para mag-aral at iniwan si Zaijian sa tubuhan.
Ang ganda ng pagkakalatag ng kuwento ng Ikaw Lamang na nagsimula noong dekada 60 at gustung-gusto namin ang mga kantang ginamit dito, tulad ng “My Girl” (Temptations), “Somewhere” (ginawang pelikula noong 1961), “Sugar Honey, Honey” (Archies), at iba pa.
Samantala, sa London na nga nagdalaga at nagbinata sina Kim at Jake (dekada 70), pero napilitang umuwi si Kim sa Pilipinas nang maaksidente ang kanyang inang si Angel dahil sa kagagawan ng amang si John.
Sumama na ring pauwi si Jake dahil plano na nitong mag-propose kay Kim, pero biglang maiba ang ikot ng kanilang mundo sa pagbabalik nila sa Pilipinas.
Magagaling ang lahat ng artista ng Ikaw Lamang, hindi nagpahuli sa aktingan ang apat na batang gumanap sa karakter nina Kim, Jake, Coco at Julia.
Pero talagang hands off kami sa galing ni Zaijian, mas lalo pa siyang humusay ngayon bilang si Samuel. Napakarami niyang pinaiyak sa mga madadrama niyang eksena.
Tinanong namin ang direktor na si Malu Sevilla kung first time niyang gumawa ng period serye. “First time sa period serye po, we shot in Negros and Batangas. So blessed to be working with a very prolific design team,” say ni direk.
Sobrang proud naman ang mga artistang nagsiganap sa napakagandang period serye nilang ito dahil ibang-iba raw sa mga nagawa na nila.
( Photo credit to E. Santiago )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.