Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
3:30 p.m. Globalport vs Alaska Mik
5:45 p.m. Talk ‘N Text vs Air21
PANSAMANTALANG liderato ang puntirya ng Talk ‘N Text at Air21 sa kanilang salpukan sa PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Pagbangon naman sa kabigan noong Miyerkules ang target ng defending champion Alaska Milk at Globalport na magtutuos sa ganap na alas-3:30 ng hapon.
Dinaig ng Tropang Texters ang Aces, 85-72, samantalang naungusan ng Express ang Batang Pier, 83-78, sa opening day games.
Ang Tropang Texters, na nabigong maipagtanggol ang korona sa Philippine Cup, ay pinamumunuan ng import na si Richard Howell na bagamat may sukat na 6-foot-7 ay nagpakita ng kahusayan sa pagkuha ng 30 rebounds kontra Aces. Bukod dito ay gumawa rin siya ng 15 puntos.
Si Howell, na produkto ng North Carolina State, ay isang undersized rebounder na naglaro sa Idaho Stampede sa NBA D-League kung saan nag-average siya ng 18 puntos at 11 rebounds.
Ang Air21 ay pinamumunuan naman ni Herve Lamizana na nagtala ng 22 puntos kontra sa Batang Pier.
Umaasa si Air21 coach Franz Pumaren na matututo si Lamizana na i-pace ang kanyang sarili.
“We have to help Herve. He can dominate the game but he is trying too hard,” ani Pumaren.
Si Howell ay tutulungan nina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Jason Castro at Ranidel de Ocampo. Makakatunggali nila sina Joseph Yeo, Paul Asi Taulava, Mark Cardona at Vic Manuel.
Sa kabila ng pagkatalo sa Tropang Texters ay naniniwala si Alaska Milk coach Luigi Trillo na kaya nilang makabawi.
Ibinalik ng Aces bilang import si Robert Dozier na siguradong babawi sa 16 puntos na naitala niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.