Vhong mauubos ang panahon sa pagpunta sa mga korte
Malapit na kaming sumalang sa aming programa sa radyo nu’ng Huwebes nang hapon nang tawagan kami ng aming anak-anakang si Norvin Labnao, isang pulis-Maynila, pinagkakaguluhan kasi sa piskalya ng lunsod si Vhong Navarro.
Nalaman namin ang mga detalye ng pagsadya du’n ng actor-dancer-TV host, nag-file pala siya ng counter affidavit at kontra-demanda sa kasong rape na isinampa du’n ni Deniece Cornejo, kasabay ang pagsasampa ng mga kasong perjury at libel laban kina Deniece at Cedric Lee.
Pero bago ang pagpunta niya sa piskalya ng Maynila ay nagsadya muna sa Pasig Regional Trial Court ang kampo ni Vhong para sagutin din ang asunto laban sa kanya ni Roxanne Acosta Cabanero.
Isinabay na rin niya ang paghahain ng perjury at libel case laban sa babae dahil ayon kay Vhong at sa kanyang mga abogado pati na rin sa mga dala-dala nilang testigo ay isang malaking kasinungalingan ang senaryong pinagsasasabi ng konteserang si Roxanne.
“April 24, 2010, nasa isang show po ako sa Island Cove kasama si Vice Ganda, mula sa rehearsal hanggang sa matapos na ang show e, nandu’n pa rin ako, kaya imposible ang kasong rape na ibinibintang niya sa akin,” pahayag ni Vhong Navarro sa kanyang mga panayam.
Magiging abala ngayon ang aktor sa pagdalo sa mga pagdinig ng mga kasong isinampa laban sa kanya ng tropa nina Deniece at Cedric Lee, pati sa mga kasong ihinain niya laban sa grupo ay kakain din nang sobra-sobrang oras mula sa kanyang abalang maghapon, pero ito ang pinakatamang dapat gawin ni Vhong Navarro para maintindihan ng husgado ang mga kaganapan.
Malaking abala talaga, pero sa usapin ng prinsipyo at paninindigan, wala tayong pinanghihinayangan at kinatatamaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.