Lillard pinamunuan ang Blazers vs Nuggets
DENVER — Muling pinunan ni Damian Lillard ang pagkawala ng kapwa All-Star na si LaMarcus Aldridge matapos niyang umiskor ng 31 puntos para pamunuan ang Portland Trail Blazers sa 100-95 pagwawagi laban sa Denver Nuggets sa kanilang NBA game kahapon.
Gumawa si Lillard ng 12 puntos sa ikatlong yugto kung saan patungo na sana ang Blazers sa tambakang panalo subalit inihanda niya ang kanyang mabibigat na tirada sa ikaapat na yugto matapos na tapyasin ng Nuggets ang kanilang 18-puntos na kalamangan sa dalawa.
Tinulangan din ni Lillard ang Portland na mabalewala ang magandang paglalaro ni Denver forward J.J. Hickson na humugot ng career-high 25 rebounds kabilang ang 15 sa offensive side.
Pinangunahan ni Hickson ang Nuggets na nakakuha ng 64-41 bentahe sa rebounding department. Hindi naman nakapaglaro si Aldridge sa ikaapat na sunod na laro bunga ng strained left groin subalit mayroon namang anim na manlalaro ng Blazers na umiskor ng double figures kabilang na si Nicolas Batum na may 16 puntos.
Pinamunuan ni Randy Foye ang Denver sa kinamadang 17 puntos. Hindi naman nakapaglaro sa ikapitong diretsong laro para sa Denver si Ty Lawson, na may team-leading averages na 18 puntos at 8.8 assists, bunga ng broken rib.
Rockets 129, Kings 103
Sa Sacramento, kumana si James Harden ng season-high 43 puntos bago ipinagpahinga sa ikaapat na yugto sa tambakang pagwawagi ng Houston Rockets laban sa Sacramento Kings.
Si Dwight Howard ay nagtapos naman na may 20 puntos at 11 rebounds para sa Rockets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.