NANGANGAMBA si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na posibleng tumaas ang presyo ng bigas sa bansa dahil sa umano’y overpriced ang bigas na inaangkat ng National Food Authority mula sa Vietnam.
Ayon kay Colmenares dapat kontrolin ng gobyerno ang presyo ng gagawing pag-angkat ng NFA ng 1 milyong metriko toneladang bigas mula sa Vietnam na magsisilbing buffer stock para sa Hulyo at Setyembre.
“At the very least, the Senate and Congress should investigate this and I think that it would be more prudent to hold the importation of the 1 million MT of rice first until all has been ensured that the Filipino people are not being duped,” ani Colmenares.
Paliwanag ni Colmenares nalugi ang gobyerno ng P521 milyon nang umangkat ito ng 500,000 metriko tonelada ng bigas mula sa Vietnamn para sa buffer stock noong Disyembre 2013 hanggang Marso 2014.
At sa pagpasok ng 1 milyong metriko tonelada ng bigas, maaaring umabot ang overpricing sa kabuuang halagang P1.42 bilyon.
Sa pag-aaral ni Colmenares, noong Nobyembre 16-22 ang halaga ng bigas ayon sa US Department of Agriculture Grains Report ay $377.86 kada metriko tonelada pero mas mahal umano ng $84.39/MT ang halaga ng binili sa Vietnam.
Iginiit naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap na ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay kung papaano mapararami ang ani ng mga lokal na magsasaka sa halip na umasa sa imported na bigas.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.