Bagong kasong rape laban kay Vhong ibabasura lang ng korte kung…
Nakakagulat nga naman ang biglang pagsulpot ng isang babae para maghain ng kasong rape laban kay Vhong Navarro.
Kahit pa ayon sa batas ay dalawampung taon ang ibinibigay na panahon para kasuhan ang isang diumano’y nagsamantala sa babae, ang pagdedemanda kay Vhong ngayon ay nakapagtataka pa rin, dahil bakit nakisabay sa isyu sa pagitan ng actor-TV host at ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo?
Ang pangalan ng babae ay Roxanne Acosta Cabanero, naging kalahok sa Bb. Pilipinas nu’ng 2011, pero na-disqaulify dahil sa mga puntong tanging ang mga tagapamahala lamang ng Bb. Pilipinas Charities ang nakakaalam.
Ayon sa babaeng nag-rereklamo ay 2010 pa nang ito’y pagsamantalahan ni Vhong Navarro, 2014 na ngayon, napakaselektibo naman yata ng pagdedemanda ng babae?
Kinailangan pa nitong maghintay nang apat na taon bago ito magreklamong nireyp ito ni Vhong? Ang pagkakaalam kasi namin ay iba. Ang tanging kayamanang itinutu-ring ng isang babae ay ang kanyang puri.
Kapag may nang-agaw-nagnakaw nu’n sa kanya ay siguradong sa himpilan ng pulisya agad ang kanyang tuloy para isumbong ang nangyari sa kanya kasunod ang panghuhuli sa nagsamantala.
Hindi papayag ang isang babaeng ganu’nin siya ng lalaki nang labag sa kanyang kalooban. Kung nahihiya ang babae para magsumbong sa pulisya, nandiyan ang kanyang pamilya, ang mga ito ang sasama sa kanya para ipagbigay-alam sa mga otoridad ang ginawa sa kanya ng suspek.
‘Yun ang unang-unang ginagawang hakbang ng babaeng hinalay, ang panghihingi ng hustisya, dahil may nagnakaw sa kanyang puri bilang babae.
Iba naman ang kaso kapag sanay na ang babae sa pakikipagtabi sa kung sino-sinong lalaki, lalo na kung may kapalit na kabayaran ang pakikipagsiping, trabaho na ang maitatawag du’n.
Masalimuot ang ganitong usapin para maniwala ang husgado na nagkaroon nga ng rape, kailangang makumbinse ng babae na totoo ang kanyang ginagawang asunto sa lalaki, kapag hindi niya napaniwala ang korte ay napakalaki ng mga basurahan ngayon sa husgado para itapon lang du’n ang kanyang reklamo.
( Photo credit to Entertainment Inquirer.Net )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.