ISA na namang premyadong titulo ang mauuwi ni Filipino pool master Dennis Orcullo matapos na tanghaling Master of the Table sa katatapos na 16th Annual Derby City Classic na ginanap sa Horseshoe Hotel & Casino sa Elizabeth, Indiana, USA.
Ito ang kauna-unahang Master of the Table title ni Orcullo, ang top pool player ng Bugsy International Promotions. Nakuha niya ang $20,000 premyo matapos manguna sa All Around category para mahirang bilang Master of the Table.
Ang dating mangingisda mula Bislig, Surigao del Sur na si Orcullo ay dinomina ang isa sa tatlong tampok na laro sa torneo kung saan ang mangungunang manlalaro sa 9-Bank Pool, One Pocket at 9-Ball divisions ang hihirangin na Master of the Table.
Si Orcullo, isa sa mga tumanggap ng President’s Award sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night, ay naungusan si Francisco “Django” Bustamante, 3-1, sa isang all-Pinoy finals sa 9-Ball Bank Pool division.
Tumapos si Orcullo sa ika-4 hanggang ika-5 puwesto kasama si Bustamante sa One Pocket division na pinagharian naman ng kababayang si Efren “Bata” Reyes. Nauwi ni Reyes ang pangunahing premyo na $12,000 habang tumanggap sina Orcullo at Bustamante ng tig-$2,200 sa nasabing event.
Si Orcullo naman ang tanging Pinoy na nakapasok sa semifinals ng 9-Ball event na pinagharian ni Shane Van Boening ng Estados Unidos.
Tinalo ni Van Boeing sa semis si Orcullo bago nasilat si John Morra ng Canada, 9-8, sa kanilang finals showdown.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.