Sino ang sinungaling: Si Bong, si Mar, si Abad o si PNoy?
MATAPOS ang privilege speech ni Senator Bong Revilla at ang sunud-sunod na reaksyon ni PNoy at ng mga taga-Malakanyang, nabuo sa isipan ng maraming Pilipino na hindi nila isinisiwalat ang katotohanan tungkol sa “balato controversy”.
Maniniwala ba kayo sa sinabi ni DILG Sec. Mar Roxas na yung panukalang batas daw sa cityhood ng Bacoor ang dahilan kaya sinamahan niya si Revilla kay PNoy? Maniniwala ba kayo sa sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma na gusto lang daw linawin ni PNoy sa mga senador at kay Revilla na maraming “interest groups” ang nagtutulak na huwag i-convict si Corona? Maniniwala ba kayo na walang bahid ang sinabi ni Budget Sec. Butch Abad na “magtulungan tayo, senador”?
Maniniwala ba kayo sa lahat ng sinabi ni Revilla sa national television — ang lahat ng detalye ng kanyang pulong noon kay PNoy? Maniniwala ba kayo na sinabi raw ni PNoy sa kanya ,”Pare, nakikiusap ako sa iyo, ibalato mo na lang sa akin ito. Kailangang ma-convict si Corona?” At maniniwala rin ba kayo kay Abad na hindi raw karakter ni PNoy ang ganitong linguwahe? At siyempre, kahit si PNoy, pinapalabas na parang nagpapantasya ng kwento itong si Revilla at hindi raw niya sinabi ang mga iyon. Pero, naniniwala ba kayo sa paliwanag ni PNoy?
Ang dapat nating tandaan, naganap ang mga sekretong pulong na ito, ilang araw bago ang botohan ng mga senator judges sa impeachment ni dating Chief Justice Corona. At mabigat ang ambisyon ng Malakanyang, kailangan ng 16 na senador para siya ay ma-convict. Kung “simple majority” o lamang ng isa o tatlong boto ang “yes” vote, mananatili pa rin sa pwesto si Corona kaya naman kailangang kumilos noon ng Malakanyang bago magbotohan.
At sa madaling salita,nanggapang sila ng mga boto at inisa-isa ang mga senator judges at siyempre, merong kapalit sa ganitong “political horsetrading”. At matapos ang panggagapang ng Malakanyang, lumabas ang resulta ng impeachment vote 20-3 noong May 29,2012 kung saan tanging sina Senador Miriam Santiago, Joker Arroyo at Bongbong Marcos ang nag “No”.
Makalipas ang higit isang taon, September 2013, ibinandera ni Senador Jinggoy Estrada na tumanggap siya ng P50 milyong “discretionary funds” matapos ang impeachment. Nakatanggap din sina Senador Ralph Recto at Serge Osmena ngunit sabi ni Senate president Franklin Drilon, hindi raw ito “bribe”. Pero kinumpirma ni Abad na ito raw ay galing sa P1.107B na pondo mula sa Disbursement acceleration program (DAP) na sinasabi namang ipinalabas para sa mga senador na bumoto para i-convict si Corona.
Hindi tumanggap ng “DAP funds”, ayon din kay Abad, ang mga No voters na sina Miriam, Joker at Bongbong.
Ngayon, ang “constitutionality” ng DAP ay dinidinig sa Korte Suprema at hindi pa man nagdedesisyon ang mga mahistrado, parang nakakadismayang isipin na ginamit ng Malakanyang ang “savings” ng gobyerno para i-convict si Corona.
Dito sa mga scenario na ito, tinitingnan natin ang rebelasyon ngayon ni Revilla. Aaminin ba niyang tumanggap siya ng P86 milyong DAP noong May 5, 2012, matapos ang kanyang pulong kay PNOYsa Bahay Pangarap? Ang P86M ay nakalagay po sa sa mismong listahan ng DBM website na tinanggap ni Revilla bago ang botohan at nasundan pa ng P14M matapos ang impeachment.
Kaya naman, itong mga naririnig nating mga paliwanag nina PNOY, Roxas, Abad at Revilla ay deretsahan nating sasabihin na puro kasinungalingan lamang. Isama mo na ang iba pang Senador na pa-kiyeme at dedma sa isyu. Maliwanag pa sa sikat ng araw na may “ayusan” na naganap.
Ang problema, kulang na kulang pa talaga ang mga naririnig nating paliwanag sa usaping PNOY-REVILLA-ROXAS-ABAD.
Teka, hindi ba’t may bago raw pasasabugin si Revilla bukas sa Senado? Aamin na kaya siya sa usapin ng “ayusan” para i-convict si Corona? Kapag nagkataon, aba’y makakapagsinungaling pa kaya ang Palasyo? ABANGAN!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.