DALAWANG araw makaraang akusahan ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na nakialam siya sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona ay nagpasaring si Pangulong Aquino at inilarawan ang aktor/senador na nagpapabida at nagpapapogi lamang.
“Anumang pilit ng ilang magpapogi at magpabida para sa pansariling interes lang ay wala pa ring makakapigil sa kolektibo nating pag-arangkada bilang isang bayan,” sabi ni Aquino sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng Metro Manila Skyway Stage 3 sa Makati kahapon.
Noong Lunes ay ibinandera ni Revilla sa kanyang privilege speech na pinakiusapan siya ni Aquino na “ibalato” na lamang sa Pangulo si dating Corona noong kasagsagan ng impeachment trial.
Bong umaray sa pagdawit sa ama
Samantala, umalma si Revilla sa paglutang ng kontrobersiya na nag-uugnay sa kanyang ama na si dating Sen. Ramon Revilla Jr. sa utak ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Iginiit ni Revilla na isang uri ng pagwasak sa kanyang pamilya ang lu-mabas na ulat. Naniniwala siya na inilutang ang isyu bilang sagot sa kanyang pasabog laban kay Aquino.
“Iyon nga ang malaking question mark—bakit ngayon lang nila ito ini-labas?” ani Revilla. Todo-tanggi naman ang senador na naglagay ng pondo ang kanyang ama sa mga bogus na NGO ni Napoles kapalit ng mala-king halaga.
Nangangamba rin siya na posibleng isunod sa umano’y pangha-harass ng administrasyon ang kanyang asawang si Cavite Rep. Lani Mercado, mga kapatid at anak.
DOJ di titigilan si Ramon Sr.
Kaugnay nito ay sinabi ng Department of Justice (DOJ) na itutuloy nila ang imbestigasyon ukol sa pagkakasangkot ni Ramon Sr. kay Napoles.
Ani Justice Sec. Leila De Lima, kung talagang handa ang testigong si Benhur Luy na maglabas ng sworn statement ay ipupursige ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso.
“Pag-aaralan ng NBI. If willing si Benhur Luy na mag-execute ng sworn statement, ipu-pursue da-pat iyon,” dagdag ni De Lima makaraang dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng rice smuggling.
Isiniwalat ni De Lima na batay sa records ni Luy ay lumalabas na dati ring may koneksyon ang dating senador sa mga NGOs ni Napoles.
“Binabanggit na ngayon na sa records niya o pagkaalam niya, dati ring nagde-deal (si Ramon Sr.) sa Napoles NGOs,” dagdag pa ni De Lima.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.