CHARLOTTE, North Carolina — Nagtala si LeBron James ng 34 puntos at walong rebounds para pangunahan ang Miami Heat na daigin ang Charlotte Bobcats sa ika-15 sunod na pagkakataon, 104-96, sa overtime ng kanilang NBA game kahapon.
Gumawa si James ng anim na puntos sa extra period kabilang ang dalawang driving layups para ihatid ang Heat sa ikalawang panalo sa loob ng dalawang gabi. Si Chris Bosh ay nag-ambag ng 25 puntos at pitong rebounds para sa Miami.
Si Al Jefferson ay gumawa naman ng 22 puntos para pamunuan ang Bobcats, na nilaro ang ikaapat na laro sa limang gabi. Nawala naman sa Charlotte ang point guard nitong si Kemba Walker matapos magkaroon ng ankle injury sa ikatlong yugto.
Pacers 106, Clippers 92
Sa Indianapolis, umiskor si Paul George ng 36 puntos habang si Lance Stephenson ay nagdagdag ng 22 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang Indiana sa ikaapat na diretsong panalo na lahat ay pawang double digits.
Sumablay naman ang Pacers sa tsansang manalo ng apat na sunod na hawak ang 20 puntos o higit pa na kalamangan sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang prangkisa. Napanatili rin ng Indiana ang top record sa liga at umangat sa 21-1 sa kanilang homecourt bago tumungo sa West para sa five-game road trip.
Kumamada naman si Jamal Crawford ng 22 puntos para sa Clippers, na naputol ang five-game winning streak. Si Blake Griffin ay nag-ambag ng 19 puntos at si DeAndre Jordan ay nagdagdag ng 12 puntos at 17 rebounds.
Timberwolves 98, Jazz 72
Sa Minneapolis, kumana si Nikola Pekovic ng 27 puntos at 14 rebounds sa tatlong yugto para pangunahan ang Minnesota Timberwolves kontra Utah Jazz.
Si Kevin Love ay nagtala ng 18 puntos, 13 rebounds at limang assists habang si Kevin Martin ay nagdagdag ng 20 puntos para tulungan ang Timberwolves na wakasan ang three-game losing streak na kinabibilangan ng pagkatalo sa Sacramento Kings at Toronto Raptors.
Ang Wolves ay nakagawa ng 28 puntos mula sa 16 turnovers ng Utah at na-outscore nila ang Jazz 50-18 sa paint tungo sa blowout na panalo.
Si Alec Burks ay umiskor ng 18 puntos para sa Jazz, na naghabol sa 36 puntos na kalamangan at tumira ng 28.8 percent, na pinakamasama nitong shooting night sa kasaysayan ng prangkisa. Si Derrick Favors ay nag-ambag ng walong puntos at 10 rebounds para sa Utah.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.