CEBU CITY — Tina-tayang umabot sa tatlong milyon katao ang pumila at nakiisa sa taunang prusisyon na ginagawa sa bisperas ng pista ng Senor Sto. Niño.
Bagamat makulimlim at may pag-ambon dala ng bagyong Agaton, hindi nagpatinag ang mga deboto na dumalo sa prusisyon, na ayon sa pulisya, ay higit na mas marami ang bilang kumpara sa nakaraang taon.
Ayon kay Chief Insp. Wildemer Tiu, hepe ng Waterfront Police Station, may 3.2 milyon ang pumila at nakiprusisyon. Ibinase nila ang pagtaya sa haba ng prusisyon at ang kapal ng tao na nasa kalye at nag-abang sa pagdaan ng santo.
Sa pagdaan ng poon, masigasig na ikinaway ng mga tao ang kanilang mga kamay habang hawak ang mga bulaklak, lobo at panyo bilang paggalang at pagsamba sa patron ng Cebu City.
Kasama ng mga deboto ang kanilang mga maliliit na anak, maging matatanda, galing sa iba’t ibang lugar sa Cebu at kalapit lalawigan, at maging mula sa Metro Manila.
Ayon kay Emma Taguib na galing pa ng bayan ng Tubigon sa Bohol, taun-taon umano silang nagpupunta sa Sinulog bilang panata na rin sa Sto. Niño. Kasama niya ang biyenan na si Edith.
Ayon pa kay Taguib, lalo pa umanong tumindi ang kanyang pananalig sa Diyos matapos yanigin ng 7.2 magnitude na lindol ang kanyang lalawigan noong Oktubre.
“We came here for the foot procession and the pontifical mass on Sunday. It has been my promise to Senor Sto. Niño to do this every year,” pahayag ni Taguib.
Ang pagdiriwan ng pista ng Sto. Nino sa Cebu ay ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Enero. Kahapon ay isinagawa ang fluvila parade sa Mactan Channel na sinalihan ng mahigit sa sandosenang sasakyang pantubig, sa pangunguna ng MV Santo Nino de Cebu, isang replica ng galleon, na may dala ng imahe ng Sto. Niño na binasbasan ni St. John Paul II.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.