HINDI pa tapos ang two-time Most Valuable Player na si Danilo Ildefonso. Pinatunayan ni Ildefonso sa lahat na mayroon pang natitira sa kanya nang tulungan niya ang kanyang bagong koponan na simulan ang taong 2014 sa pamamagitan ng panalo.
Ginulat ng 6-foot-5 forward-center na si Ildefonso ang lahat nang magsuot siya ng uniporme ng Meralco Bolts noong Sabado na handang makipagsabayan sa mga bata sa kabila ng pagiging 37 taong gulang.
Nagtala siya ng 14 puntos, anim na rebounds at limang assists upang maungusan ng Bolts ang Air21 Express sa overtime, 92-88.
Iyon ang unang laro niya para sa season matapos na hindi makakuha ng contract extension sa kanyang dating koponang Petron Blaze. Bago naglaro ay nakipag-ensayo lang siya ng apat na beses sa Bolts.
Dahil sa kanyang kabayanihan, si Ildefonso ang nahirang na unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week ng taong 2014. Dinaig niya sa botohan ang kanyang kakamping si Gary David, Alex Nuyles ng Rain or Shine, Mark Barroca ng San Mig Coffee, Kelly Williams at Ryan Reyes ng Talk ‘N Text.
Bukod sa mga numerong naitala niya, nagpakita rin ng leadership qualities si Ildefonso na ikinatuwa naman ni Meralco coach Paul Ryan Gregorio.
Ayon kay Gregorio, ang pagdating ni Ildefonso sa Meralco ay “enormous.” Alam niya na puwedeng ibigay ang bola kay Ildefonso dahil sa kaya ng beterano na gumawa ng “right decisions” sa dikdikang sitwasyon.
“He (Ildefonso) really believes he’s not done yet. And I’m giving him the opportunity and the stage to do it,” ani Gregorio.
Ang dating National University Bulldog ay nagsimula ng kanyang PBA career sa Petron (dating San Miguel Beer noong 1988.)
Bukod sa pagkapanalong MVP ng dalawang beses, si Ildefonso ay limang beses ding naging Best Player of the Conference.
Isang short term contract lang ang pinirmahan ni Ildefonso sa Meralco at ito’y hanggang sa katapusan ng 2013-14 PLDT myDSL PBA Philippine Cup. Pero hindi magiging kataka-taka na ma-extend ito hanggang sa dulo ng season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.