SIMULA noong 2008 malimit hindi natatapos ni Bernabe Patilano ng Nueva Ecija ang kaniyang kontrata sa isang recruitment agency na naghanap ng trabaho para sa kanya patungong Qatar.
Madalas tatlo hanggang limang buwan lamang ang kaniyang pinipirmahang kontrata bilang pipe fitter sa pagshut-down ng mga planta sa ibang bansa.
Dahil ikli ng kontrata, napapauwi agad siya ng maaga. Minsan nga, isang buwan lang o hanggang 40 days lang ang serbisyong ibinibigay sa kanya, kaya uuwi na rin siya.
Hindi umano sa kanya at mga kasamahan ang problema dahil ginagawa naman nila ng maayos ang trabaho subalit hindi na nila nagawa pang mag-reklamo sa takot na mapag-initan o maging blacklisted ng kanilang ahensya.
Pinayuhan ni Director Jeriel Domingo ng Adjudication Office ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ating kabayan na mayroon siyang dalawang opsyon: Una, maaari silang magreklamo sa tanggapan ng POEA laban sa nasabing recruitment agency sa ilalim ng kasong breach of contract upang mailapat ang disciplinary action sa ahensya.
Pangalawa, pwede rin silang magsampa ng kasong illegal dismissal sa National Labor Relations Commission (NLRC) upang makuha ang ‘di naibigay na mga pasahod dahil tinanggalan sila ng trabaho ng walang basehan. Handa umanong imbestigahan ng POEA ang nasabing ahensya upang mapatunayan kung ang ahensya nga ba o ang employer ang may pananagutan sa mga kontratang ‘di natatapos ni Bernabe at kaniyang mga kasamahan.
Sa katunayan, mayroong ikatlong opsyon si Bernabe, ang pumili na lamang ng ibang recruitment agency na magpapa-alis sa kaniya, pagkatapos niyang ireklamo ito.
Sa edad na 54, nakapagtrabaho na rin sa ibang bahagi ng Saudi Arabia ang ating kabayan at nakatapos ng anim na taon roon. Subalit ngayong darating na Enero 2014, paalisin siyang muli ng ahensyang ito pabalik sa Qatar.
Matapos ang panayam natin kay Bernabe, handa na raw siyang magreklamo sakaling maulit pa ang mga naranasan niya noon.
Nitong nakaraang Disyembre 11 dumating sa NAIA ang mga labi ng pumanaw na OFW na si Love Joy Pineda Balagat mula Kuwait.
Sa mahal ng pamasahe para magbiyahe patungo sa Maynila ang nabiyudong si Nelson, hinintay na lamang niya ang mga labi ng asawa na ipinadala sa kanilang bayan sa Saranggani City.
Tuluyan nang inilibing roon ang mga labi ni Love Joy noong Disyembre 15, 2013. Matapos ang matagal na paghihintay, bahagya nang napanatag ang kalooban ng pamilya Balagat dahil naiuwi na sa bansa ang bangkay ni Love Joy.
Hindi naiuwi agad ang bangkay ni Love Joy dahil inimbestigahan ng otoridad ng Kuwait ang sanhi ng pagkamatay nito.
Hindi pa rin nasasagot ang tanong ng pamilya Balagat kung tumalon nga ba, nahulog o sadyang itinulak ang OFW mula sa isang gusali na siyang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Inuna na muna ang pagpapauwi rito habang iniimbestigahan ang kaso.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.