Gretchen demanda ang buena mano sa Bagong Taon?
Nakaabang na ngayon pa lang ang ating mga kababayan sa kahihinatnan ng labanan ng magkapatid na Barretto. Iniwanan nilang nakatiwangwang sa nakaraang taon ang kanilang problema, matuloy kaya ang bantang pagdedemanda kay Gretchen ng kanyang mga magulang, humantong na kaya ang alitan nila ni Claudine sa pagdedemanda ng mga magulang sa kanilang anak?
Naging napakalakas kasi ng loob ni Gretchen sa pagsasabi ng diumano’y naging banta ni Daddy Mike Barretto nang malaman nito na uupo siya bilang witness ni Raymart Santiago.
Matitinding akusasyon ang kanyang inilabas, papatayin daw sila ni Daddy Mike, isang matinding rebelasyon naman na pinabulaanan ng mag-asawa. ‘Yun ang naging ugat ng balita na idedemanda si Gretchen ng kanyang mga magulang.
Habang nagbabangayan ang aktres at ang kanyang daddy at mommy ay nananahimik naman si Claudine, nakakita kasi ito ng paldang pagtataguan, pinabayaan lang nitong mag-upakan si Gretchen at ang kanilang mga magulang.
Pero nakalulungkot pa rin ang senaryong ito dahil ilang taon nang ganito ang nangyayari sa kanilang pamilya. Kapag nag-aaway ang magkapatid ay merong makikihalong magulang, du’n naman napakalaki ng sentimyento ni Gretchen.
Para sa kanya ay wala nang naging mali si Claudine, palaging sila lang ni Marjorie ang mali, palaging nakasalo sina Daddy Mike at Mommy Inday sa bunso niyang kapatid.
Tama ang suhestiyon at opinyon ng mas nakararaming kababayan natin na nakatanaw lang sa mga nagaganap na walang maaaring makalutas sa problemang ito kundi ang pag-uusap-usap at pagpapaliwanagan nila nang personal.
Walang mga abogado, walang korte, sila-sila lang ang nandu’n para magkapalitan ng kani-kanyang katwiran. Pero malayo ngang mangyari ‘yun, nagnanaknak na ang mga sugat na nagawa nila para sa bawat isa, kaya panahon na lang talaga ang makapagsasabi kung kailan muling magkakatinginan nang mata sa mata ang pamilyang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.