MGA isang daang bangkay, mga biktima ng Supertyphoon “Yolanda,” ang di pa naililibing at nakatiwangwang sa Tacloban City.
Ang naaagnas na mga bangkay ay nagbibigay panganib sa kalusugan ng mga tao na naninirahan sa malapit na lugar.
Hindi pa nailibing ang mga bangkay dahil kinikilala pa sila ng mga forensic experts ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang mga forensic experts ay nagbabakasyon dahil sa kapaskuhan.
Nasaan ang dedikasyon ng mga ito sa kanilang trabaho?
Ang kakulangan o kawalan ng dedikasyon ng mga taong-gobiyerno na inatasan na makilahok sa rehabilitasyon ng Tacloban City at ibang panig ng Eastern Visayas na sinalanta ni Yolanda ang magiging sanhi ng mabagal na rehabilitasyon.
Naiintindihan natin na ang mga NBI forensic experts ay kinailangang magbakasyon pagkatapos ng mahirap na trabaho.
Pero wala ba silang kapalit? Don’t they work in shifts so that when one group goes on rest, ang isang grupo naman ang hahalili?
Di ba kailangan ng kaunting sakripisyo ng mga kawani ng gobiyerno para sa kapakanan ng bayan?
Isang negosyanteng Koreano ang nakausap ng inyong lingkod tungkol sa mabilis na pag-unlad ng South Korea kahit na ito’y nasalanta ng Korean war noong dekada 1950.
Tinanong ko siya kung paano nakatindig ang South Korea na nakalugmok dahil sa civil war at ngayon ay isa nang industrial na bansa.
Walang binatbat ang South Korea kumpara sa Pilipinas na isa nang maunlad na bansa noong mga dekada 1960 at 1970.
Bakit naunahan ang Pilipinas ng South Korea sa kaunlaran?
“Nagtrabaho ng gabi’t araw ang mga mamamayan. Wala kaming pahinga sa pagtrabaho kaya’t may nagtatrabaho sa araw at nagtatrabaho naman sa gabi. Nagsakripisyo kami upang makaahon ang aming bansa sa pagkakalugmok gawa ng Ikalawang Digmaan at ang giyera sa dalawang panig ng Korea noong dekada 1950,” sabi sa akin ng Koreano sa putol-putol na Ingles.
Ang katamaran ng Pinoy, na gusto panay bakasyon sa trabaho, ang dahilan kung bakit mahina ang pag-unlad ng ating bansa.
Sana baguhin na ng mga Pinoy ang kanyang work ethics at bawasan ang mga bakasyon.
Kung gusto mong maging mas malusog at mas maunlad ang iyong kabuhayan sa taong ito, gawin ang mga sumusunod:
1) Basbasan ang mga taong mayayaman at matagumpay sa halip na murahin dahil sa inggit.
Mahahawaan kayo sa mga katangian ng mga mayayaman at mga taong matagumpay kapag binasbasan ninyo sila.
Kung ano ang pinagdarasal mo para sa iyong kapwa ay babalik sa iyo dahil sa karma.
2) Patawarin ang mga taong nakapanakit sa inyo hindi dahil sa kanilang kapakanan kundi sa kapakanan ninyo.
Ang mga taong may dinadalang sama ng loob ay maaaring magkaroon ng karamdaman na mapunta sa cancer o heart attack.
3) Iwasan ang mga kaibigang palaging umaangal sa kanilang kalusugan at kakulangan ng pera.
Ang kanilang negatibong pananaw sa buhay ay nakakahawa. Hihilahin ka nila pababa.
Ipagdasal mo na lang na maliwanagan sila upang maging positibo na ang kanilang pananaw sa buhay.
Sa benepisyo na nakukuha sa pagpapatawad, sumasang-ayon sa isang reader ng INQUIRER na si George Jimenez sa kanyang letter to the editor na nai-publish kahapon.
Sinabi ni Jimenez na ginamit si Erap na publicity stunt ng abogadong si Ferdinand Topacio sa pagdalaw ng dating Pangulo at ngayon ay mayor ng Maynila kay Gloria Macapagal-Arroyo.
Dinalaw ni Erap si dating Pangulong Gloria at ngayon ay Pampanga representative sa Veterans Hospital kung saan siya naka-detain sa kasong plunder.
Si Gloria at mga military generals ang nagplanong patalsikin si Erap bilang Pangulo.
Ang plano ay nauwi sa people power na ngayon ay tinaguriang “Edsa Dos.”
Ang pagdalaw ni Erap ay bilang pagpapatawad sa ginawa ni Gloria sa kanya.
Makatotohanan ang gesture of forgiveness ni Erap dahil isa siyang mapagpatawad na tao.
Lahat ng mga taong sumali sa pagpapatalsik sa kanya sa Malakanyang ay pinatawad ni Erap.
Pero ginamit na publicity mileage ni Topacio na abogado nina Mike at Gloria Arroyo ang pagdalaw ni Erap sa Veterans Hospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.