NASAWI ang alkalde ng Labangan, Zamboanga del Sur, kanyang misis, at dalawa pa katao nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3) kahapon.
Ikinasawi nina Mayor Ukol Talumpa, misis niyang si Lea, pamangking si Saripudon, at sanggol na si Gil Thomas Lirasan ang mga tama ng bala, sabi ni Chief Supt. Christopher Laxa, direktor ng PNP Aviation Security Group.
Isinugod ang mga biktima sa Air Force General Hospital ng Villamor Air Base ngunit idineklarang patay ng mga doktor, ani Laxa.
Sugatan naman sina Rommyda Talumpa, Lindagan Rosta Yusuf, Mari Anne Lirasan, Amalia Lirasan, at isang Philip Uy kaya inilipad patungo sa AFP Medical Center at East Avenue Medical Center ng Quezon City, aniya.
Naganap ang pamamamaril sa “Bay 2” ng arrival area ng NAIA-3 dakong alas-11:25 ng umaga, sabi naman ni PNP spokesman Senior Supt. Wilben Mayor.
“The assailants were described as two motorcycle-riding men wearing PNP GOA (general office attire) uniforms,” ani Mayor, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa National Capital Region Police Office.
Kinumpirma ni Laxa ang impormasyon, ngunit sinabing bina-“validate” pa ito ng mga imbestigador. “‘Yun ang accounts ng mga witnesses, pero hindi pa namin ma-confirm ‘yan.
Iniimbestigahan pa namin, bina-validate, kino-compare namin sa statement ng ibang witnesses,” aniya. Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin, ani Laxa.
Dumating si Talumpa at kanyang mga kasamahan sakay ng Cebu Pacific dakong alas-9 at kalalabas lang sa arrival area nang paulanan ng bala, sabi naman ni Jose Angel Honrado, general manager ng Manila International Airport Authority, sa isang pulong-balitaan na inere sa radyo.
Kinundena ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang insi-dente at inatasan ang PNP na agad hanapin ang mga salarin.
“Kinokondena ng buong pamilya ng Department of Interior and Local Government ang patraydor na pag-atake… Inatasan ko na ang pamunuan ng Philippine National Police na huwag mag-aksaya ng panahon at agad na tugisin ang mga salarin,” aniya.
Pinaalalahanan din ni Roxas ang PNP na palakasin ang presensiya sa matataong lugar, lalo ngayo’t nalalapit na ang Pasko.
Ang insidente sa NAIA-3 ay ang ikatlo nang naiulat na atake laban kay Talumpa, na nanalo bilang mayor nito lang nakalipas na local elections.
Noong Set. 19, 2012, nakaligtas nang walang galos si Talumpa at kanyang misis nang pasabugan ng granada ang kanilang convoy sa Pagadian City. Bise-alkalde siya ng Labangan noon.
Nauwi ang insidente sa pagkasugat ng isa niyang police escort at dalawang taong napadaan. Noong Nob. 2, 2010, nasugatan si Talumpa at isa niyang bodyguard sa ambush sa Ermita, Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.