SINANDALAN ng Pilipinas ang husay ni Rubilen Amit sa 10-ball at ang mga judukas na sina Fil-Japanese Kiyomi Watanabe at Gilbert Ramirez para magpatuloy ang kinang ng laro ng Pilipinas sa 27th Southeast Asian Games sa Nayphitaw, Myanmar kahapon.
Laro ng isang world 10-ball champion ang inilabas ni Amit para madaling kalusin si Angeline Magdalena ng Indonesia, 7-2, at ibigay sa bansa ang ikalawang ginto sa billiards matapos ang gintong medalya ni Dennis Orcullo sa men’s 10-ball.
Si Iris Ranola ay nakontento sa tansong medalya para makabawi ang mga lady pool players sa kawalan ng medalya sa 9-ball na dinomina ni Magdalena.
Binigyan din ng ningning nina Watanabe at Ramirez ang kampanya ng judokas nang manalo sa women’s minus 63 kilograms at men’s minus 73 kilograms.
Kinuhaan ng isang puntos ng 16-anyos na si Kiyomi si Thi Hoa Bui ng Vietnam para patotohanan na siya na ang papasibol na lady judoka ng Pilipinas.
Bago ang gintong medalya na ito, si Watanabe ay nanalo muna ng bronze sa Asian Youth Games sa Nanjing, China noong Oktubre bago kumuha ng pilak sa Asian Youth Judo Championships sa Hainan, China noong Disyembre 11 hanggang 13.
Tinalo naman ni Ramirez si Banpot Lertthaisong ng Thailand at sila ni Watanabe ay nahigitan ang bronze medals na kinuha noong 2011 sa Indonesia .
Ang dalawang ginto ang tumabon na sa isang ginto na naibigay ni Nancy Quillotes-Lucero dalawang taon na ang nakalipas.
Si Quillotes-Lucero ay lumahok din pero natalo sa Finals tulad ni Helen Dawa.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroong ng 26 ginto bukod sa 30 pilak at 32 tansong medalya pero nanatili sa pang-pitong puwesto ang delegasyon nang makasungkit ng limang ginto ang Singapore sa sailing para iakyat ang kanilang medal tally sa 31-28-42.
Wala ng makakapigil sa Thailand para kunin ang unang puwesto sa naitalang 86 ginto, 86 pilak at 68 tanso ngunit bakbakan pa para sa ikalawang puwesto sa panig ng host Myanmar at Vietnam.
Sa dominasyon sa dragonboat event, ang host country ay pumapangalawa na bitbit ang 69-52-65 medal count laban sa 66-70-71 ng Vietnam.
Ang Indonesia ang nasa ikaapat na puwesto sa 61-66-92 habang ang Malaysia ang nasa ikalimang puwesto sa 36-36-65 medal tally.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.