ITO ang salita ng taon, ang payo ng taon, ang kantiyaw ng taon, ang pa-ngungutya ng taon, ang hamon ng taon. Kapag sumakay ng bus at dadaan sa Skyway, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag nangingitlog sa pila sa LRT at MRT, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag nadukutan sa Divisoria, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag naholdap at na-hablutan sa Makati, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag ayaw isakay ng taxi, bahala kayo sa buhay n’yo.
Kapag hindi pa nakatatanggap ng 13th month pay, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag hindi na sapat ang suweldo sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag patuloy ang pagtaas ng gasolina’t krudo, bahala kayo sa buhay n’yo. Kapag lulumpuhin ng napakataas na singil sa kuryente, bahala kayo sa buhay n’yo. Saan ba unang narinig ang salita ng taon? Sa Tacloban City. Bahala kayo sa buhay n’yo.
“He no longer is our leader,” ayon kay Antonio Montalvan, kolumnista ng Philippine Daily Inquirer, turan si Pangulong Aquino, sa kanyang pagpapabaya sa delubyo ng Yolanda, na nasaksihan mismo ng buong mundo. Teka. Sa Yolanda iyan. Sa pinakamataas na singil sa kuryente, sinabi ng anak nina Ninoy at Cory na wala na siyang magagawa. Sa pagtaas ng presyo ng gasolina’s krudo, sinabi ng Ikalawang Aquino na wala na siyang magagawa. “He is no longer our leader,” ani Montalvan.
Naholdap ka ba at natangayan ng cell phone sa Quezon City? Kapag gabi, ay may tiangge ng cell phone sa Cubao, malapit sa kanto ng EDSA at Aurora blvd.; sa Manggahan at Litex sa Commonwealth ave.; sa Novaliches Bayan, malapit sa kanto ng Quirino at Susano; at sa Munoz. Baka makilala mo ang cell phone mo. Kung hindi nagdududa ang mga pulis kung saan galing ang mga cell phone sa mga tianggeang ito, ay napa-kabobo na talaga ng mga pulis natin. Bahala kayo sa buhay n’yo.
Ibinukod natin ang mensahe ni Texter …4342, ng Hindang Falls, Iligan City, hinggil sa pinapatay na mga brodkaster. Aniya, mayayabang ang ilang brodkaster. Pagkatapos batikusin sa ere, at sa dulo ng pagbatikos, madidinig ang pagkasa ng baril at pagputok ng baril. “Ano ang ibig sabihin nito?” tanong ng Texter.
Sinagot din niya ang kanyang tanong, at sinabing: mamamaril ba ang brodkaster? Babarilin ba niya ang kanyang binatikos?
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Ako po si Melissa Montecillo Buscagan, 38, ng Sambulawan, Villaba, Leyte. Walo po ang anak ko. Humihingi ako ng tulong kay Pacman. …8331
Tindog Leyteno uswag Abuyognon. Jun Pensona
Dapat ang relief ay dinadala na lang sa bahay-bahay dito sa Tacloban City. Ang di kaalyado ng politiko, lalo na ng kapitan, ay hindi binibigyan ng tiket. Kapag pumila, hindi binibigyan ng relief ang walang tiket, lalo na dito sa San Jose Maluripsa, sa may St. Anthony Subdivision. Hindi pa kami nakakatanggap ng relief. …9085
Ako po sa Genalyn, 32, ng Palo, Leyte. Simula ng bumagyo noong Nob. 8 hanggang ngayon ay wala pa akong natatanggap na relief, kahit isang lata lang ng sardinas, kasi hindi raw ako botante. Nasa batas po ba iyan na kapag hindi botante ay walang relief sa barangay? May mga anak ko na nagugutom. Saklolo naman po. 0928-3764944
Napakaganda ng artikulo ni Arlyn de la Cruz sa Bandera noong Dis. 11. Sa ginawa mo Roxas, wala nang patutunguhan ang political career mo. Hindi ka na karapat-dapat na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno. …7629
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.