April Boy bilang na ang mga araw, tinaningan ang buhay?
Hanggang ngayon ay marami pang nagtatanong sa amin kung gaano katotoo ang mga kuwentong kumakalat na may taning na ang buhay ng Jukebox King na si April “Boy” Regino dahil sa kanyang prostate cancer.
‘Yun daw ba ang dahilan kung bakit nawalan na ng pag-asa sa buhay ang musikero at kung bakit sa aming panayam sa kanya sa Showbiz Police nu’ng nakaraang Sabado ay pormal nang nagpaalam sa kanyang mga tagahanga si April Boy?
Umiyak si April Boy nang magpaalam siya, naging bahagi na ng kanyang buhay ang mundo ng musika, ang propesyong ito ang ipinambuhay niya sa kanyang mag-iina.
“Gustong-gusto ko pong kumanta, gusto ko pa ring mag-show, pero hindi na po kasi kaya ‘yun ng katawan ko. Nanghihina po kasi ako, kaya baka kapag ipinagpatuloy ko pa rin ang pagso-show, malagay sa delikado ang buhay ko,” madiing sabi ng Jukebox King.
Nagpapasalamat si April Boy dahil sa pinakahuli niyang pagpapa-check-up ay nagamot na ang kanyang prostate cancer, pero sa puso naman siya nagkaroon ng problema, may pinagdadaanan pa siyang ibang sakit ngayon na kailangang matutukan agad para gumaling siya.
Sa estado ng kanyang buhay ngayon ay hindi na siya maghihirap, mahusay humawak ng pananalapi ang kanyang misis na si Madel, tapos na rin sa pag-aaral ang mga anak nilang sina JC at Charmaine.
“Wala naman kasi kaming mga luho sa buhay, pati ang mga anak ko, simple lang sila. Mababait sila, napakaaga ngang nagsipagtrabaho sina JC at Charm, hindi sila ‘yung tipo ng mga anak na porke may maganda nang kinikita ang magulang nila, e, hindi na magsisipagtrabaho.
“Kung materyal na bagay po ang pag-uusapan, naihanda ko na ang mag-iina ko, kaya handa na rin akong magpaalam sa pagkanta dahil hindi ‘yun makagaganda sa sakit ko ngayon,” pagtatapat ni April Boy.
Pero hindi ‘yun tanggap ng kanyang mga tagahanga, napakaraming nakikiusap na baka puwedeng dalangan niya na lang ang pagkanta, pero huwag siyang magpapaalam nang tuluyan.
“Ako lang naman po ang mawawala muna, pero ang mga kanta ko, e, nandiyan pa rin, maririnig pa rin nila, makakasama pa rin nila ako sa pamamagitan ng mga kanta ko.
“Hindi po madaling gawin ang paghinto sa pagkanta. Iniyakan ko po ito nang sobra. Ang pagpapaputol ng buhok ko na nagisnan na nilang ganito kahaba, iniyakan ko rin po ito.
“Pero ganu’n po pala, may kailangan kang isuko para patuloy kang mabuhay,” sinserong paliwanag ng Jukebox King na si April “Boy” Regino.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.