Ni Leifbilly Begas
NANALO ang magkapatid ng jackpot prize ng Super Lotto 6/49 noong Linggo.
Magkahiwalay mang tumaya ay sabay naman nang kumubra ng premyo ang dalawang magkapatid kahapon sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Sila ay parehong nag-uwi ng P31.632 milyon.
Tatlo ang nanalo sa Super Lotto sa bola noong Oktubre 9. Ang isa pa ay tumaya sa Boac, Marinduque.
Ang nakatatandang kapatid ay 48-anyos na sundalo. Siya ay mayroong limang anak. Plano niya na bumili ng bahay at lupa habang ibabangko ang matitirang pera. Siya ay tumaya sa Soldier’s Mall sa Camp E. Aguinaldo sa Quezon City ng halagang P40.
Ang nakababatang nanalo ay tumaya naman sa FB Harrison st., Pasay City. Siya ay mayroong dalawang anak at nagtatrabaho bilang building maintenance crew. Nagkakahalaga ng P20 ang kanyang tinayaan.
Ang tinayaang numero ng magkapatid ay ang kaarawan nilang dalawa at mga miyembro ng kanilang pamilya.
Hinihintay naman ng PCSO ang ikatlong nanalo at nakahati ng magkapatid sa P94.897 milyong jackpot prize ng 6/49 noong Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.