Ogie Diaz tinawag na ‘Marites’ si Sen. Imee; Claire Castro pang-asar

MATAPANG na binengga ng talent manager at host na si Ogie Diaz si Sen. Imee Marcos na lantaran niyang tinawag na “Marites.”
Ni-repost ni Mama Ogs ang isang content sa Facebook kung saan nagbardagulan ang senador at
Presidential Sister at si Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Ayon sa content creator at online host, mukhang nakikita raw niyang may “kalaban” na ang kanyang entertainment vlog sa YouTube na “Ogie Diaz Showbiz Update” sa katauhan ni Sen. Imee.
Sa inilabas kasing video ng senadora sa social media sinabi nitong kakasuhan umano ng Ombudsman at iba pang ahensya ng gobyerno ang mga mambabatas na hindi boboto ng “Yes” sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Bukod pa raw sa Ombudsman, nakaamba rin umanong magkaso ang Department of Justice (DOJ) at Security Exchange Commission (SEC) sa mga kongresistang ito.
“Sangkatutak na kaso ang uulan sa inyo kapag hindi kayo bumoto ng tuwid, nakakanerbiyos talaga, tama ba ‘to?
“Talagang may bribery na, may pananakot pa, ano ba itong nangyayari sa bansa natin?” ang pahayag pa ng senadora.
Sa ibaba naman ng video ni Sen. Imee sa naturang post ay mapapanood ang video clip ng naging reaksiyon ni Castro hinggil dito.
“Kanino kaya galing itong script na ‘to? Saan kaya galing ang kuwentong ito. Bakit lumalabas na parang chismis lang.
“Kasi gumagamit ng raw. Chismis ‘di ba? Panira,” ang resbak pa ng Presidential Communications Office undersecretary kay Sen. Imee.
Ang reaksiyon naman ni Ogie sa sagutan ng senadora at ng Palace office, “Mukhang may kalaban na ang ‘Ogie Diaz Showbiz Update’ sa katauhan ni Sen. Imee ‘Marites’ Marcos.”
Kahapon, May 11, pinaboran ng Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Sara. Ito na ang ikalawang pagkakataon na na-impeach sa Kamara ang Bise Presidente.
Sa boto na 255, sinang-ayunan ang final committee report ng House Justice Committee na nagsagawa ng mga pagdinig ukol sa impeachment complaints laban kay Duterte.
Mayroon 26 na mambabatas na bumoto ng “No” at may siyam na hindi bumoto.
Bunga nito, inaasahan na dadalhin na sa Senado ang Articles of Impeachment at kasunod ang pagbuo ng impeachment court para sa paglilitis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
