
WALA nang makapipigil sa pagpunta ng F4 members na sina Jerry Yan, Vanness Wu, at Vic Chou at ni Ashin ng Mayday sa Pilipinas.
Susugod sa Manila ang mga nabanggit na artists para sa pinakaaabangang “F★FOREVER 1st World Tour.”
Ang bonggang announcement ay ipinost ng Taiwanese music company na B’in Music sa pamamagitan ng isang Instagram reel kahapon, April 6.
Mapapanood sa naturang video ang BTS o behind-the-scenes moments ng naganap na China leg ng tour (sa Wuhan), kung saan makikita si Ashin na naghahanda para sa kanyang magiging performances.
Kasunod nito, ay makikita naman ang tatlong F4 members na sina Jerry, Vic, at Vanness na enjoy na enjoy sa kanilang bonding moments bago ang kanilang concert.
“Alright so now, it’s 2:11 a.m. Tomorrow is the final show in Wuhan. After that we’ll be moving on to more cities, and also bigger stadiums,” ang pahayag naman ni Ashin sa muli niyang pag-appear sa video.
At bago nga matapos ang IG reel, ipinakita nga ang list of upcoming tour stops including one in Manila kaya naman nagpiyesta ang mga Filipino fans.
Wala pang ina-announce ang B’in Music tungkol sa exact date at venue para sa Manila stop ng “F★FOREVER 1st World Tour.”
Wala namang kasiguruhan kung makakasama ang isa pang original member ng F4 na si Ken Chu sa iba pang leg ng tour dahil hindi nga siya bahagi ng mga inilalabas na promotions.
Narito ang ilan sa mga reaksyon ng Pinoy fans sa pagpunta ng F4 sa Pilipinas.
“Manila confirmed na tayo.”
“See you in manila!!!!”
“CANT WAIT HERE IN THE PH.”
Nabuo ang F4 noong 2001 at sumikat nang bonggang-bongga sa kanilang hit series na “Meteor Garden” kasama ang yumaong aktres na si Barbie Hsu.
Nakapag-release rin ng three studio album ang grupo kabilang na ang “Meteor Rain” noong 2001, “Fantasy 4ever” noong 2002, at “Waiting for You” noong 2007.