Cast members ng ‘Hell University’ minulto sa taping; Andre Yllana may 3rd eye

MINULTO ang set ng upcoming youth-oriented, suspense-thriller Viva One series na “Hell University” na pinagbibidahan nina Heart Ryan at Zeke Polina.
Mismong ang ilang cast members ng serye ang nagkuwento na may mga naramdaman silang kakaiba at “creepy” incidents habang nagte-taping sila sa location ng programa.
Kinumpirma rin ito ng direktor ng “Hell University” na si Bobby Bonifacio, Jr. sa naganap na grand mediacon para sa bagong offering ng Viva One, last January 21.
“Oo, minumulto kami, lahat kami. Ang dami kong na-discover sa cast ng Hell University, may mga third eye pala, nakakaramdam ng mga presence.
“Pare-pareho sila ng mga nakikita at nararamdaman,” pagbabahagi ni Direk Bobby.
Isa raw sa makapanindig-balahibong karanasan nila sa taping ay ang nahuli sa cellphone camera ng isang staff na tila anino ng isang matangkad na tao na may kasamang maliit na nilalang.
Wala naman daw tao that time sa set kaya nagtataka ang production kung saan galing ang na-caught on cam na mga imahe.
View this post on Instagram
Nang makausap daw ni Direk Bobby ang dalawa sa cast members na sina Andre Yllana (anak nina Aiko Melendez at Jomari Yllana) at Jac Abellana (anak ni Jojo Abellana), inamin ng mga ito na may nararamdaman din silang “something” sa set.
Sabi raw sa kanya ni Andre, talaga raw nakakaramdam at nakakakita siya ng mga elemento dahil bukas ang kanyang third eye.
Hindi raw muna sinabi ni Direk Bobby sa dalawa ang nakita sa camera at pinapunta ang mga ito sa lugar kung saan nga nagparamdam ang dalawang nilalang.
And confirmed nga! Kuwento ni Andre, may nakita rin siyang isang nilalang (bata raw) sa nasabing bahagi ng location kaya naman sa tuwing may kukunan silang eksena roon ay nagdarasal at nagpapasintabi sila.
Samantala, kung sa tingin n’yo ay naranasan n’yo na ang impiyerno sa buhay-estudyante, dapat n’yong malaman kung ano pa ang pwedeng maganap sa “Hell University”.
Unang lumabas sa Wattpad sa panulat ni KnightInBlack, ito ay nagkamit ng 182 million reads, at sumunod na inilabas bilang paperback ng Psicom Publishing.
Ngayong Pebrero, ito ay mapapanood na bilang isang serye sa Viva One.
Sa “Hell University”, libre ang tuition, pati ang pagkain, pero sa oras na pumasok dito, maaaring buhay ang kabayaran bago ka makalabas. Ang unibersidad na ito ay hindi sakop ng gobyerno at tago sa publiko. Normal dito ang karahasan at may tinatawag na Bloody Night mula 7 ng gabi hanggang 5 ng umaga, kung saan ang pagpatay ay hindi parurusahan.
Anim na magkakaibigan ang ‘di inaasahang mapadpad sa lugar na ito at makabilang sa mga estudyante. Sa loob, maiipit sila sa labanan ng Black Blood Gang at ng Devil God Warriors.
Si Heart Ryan (Da Pers Family, Ang Mutya ng Section E) ay gumaganap bilang si Zein, ang pinakamatapang at palaban sa mga magkakaibigan kaya itinuturing na lider ng mga ito. Gagawin niya ang lahat para protektahan sila. Makakatapat niya ang student council president na kilala bilang “Supremo”.
Si Zeke Polina (Ang Mutya ng Section E) ang Supremo na ang buong pangalan ay Ace Craige. Tahimik lang pero nakakasindak ang dating. Dapat seryosohin kapag nagbigay siya ng babala dahil kapag umulit pa ito ay malamang sa hukay na ang kahihinatnan mo.
Ang mga kaibigan ni Zein ay sina Matt, ginagampanan ni Andre Yllana; Mia, Dave na best friend ni Matt na ginagampanan ni Derick Ong; at ang matalino at pranka na si Vanessa, ginagampanan ni Jastine Lim.
Ipakikilala rin sa serye ang mga showbiz royalty na sina Gabbi Ejercito (anak nina Bernadette Alysson at Gary Eatrada) at Jac Abellana. Si Gabbi ay gaganap bilang Mia, ang pinakamalumanay sa grupo pero kayang lumaban para sa mga kaibigan. Si Jac naman ay gaganap na Jerome, ang maloko pero maaasahan sa grupo.
Nagbabalik tambalan naman mula sa matagumpay na “Avenues of the Diamond” sina Aubrey Caraan at Lance Carr. Gagampanan ni Lance Carr ang karakter ni Raze, ang lider ng Devil God Warriors.
Laging may suot na maskara pero hindi tinatago ang kanyang kakaibang kanang mata na kulay pula. Ang tunay niyang pagkatao ay ikagugulat ng buong unibersidad. Si Aubrey Caraan ang gumaganap bilang si Samantha na nababalutan ng kababalaghan. Siya ay may malaking kinalaman sa nangyayari sa unibersidad.
Si Keagan De Jesus ay gumaganap bilang si Nazzer, ang lider ng Black Blood Gang. Mukhang maamo at malambing magsalita pero ito ay panakip lang sa kanyang kalupitan.
Si Jemima Rivera ay gumaganap bilang si Nicky, ang nag-iisang babae ng Black Blood Gang kaya reyna ang turing sa kanya.
Sa naganap na cast reveal noong Nobyembre, ipinagmalaki ni Direk Bobby na maingat na pinili ang mga aktor mula sa mga audition para mabigyang buhay ang mga karakter mula sa libro.
Sa February 6, mapapanood na ang “Hell University” sa Viva One. Pasok na dito kung saan ang pinakamahalagang bagay na dapat matutunan ay kung paano manatiling ligtas at buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
