2 memory world record naitala ng 12-anyos na si Jamyla Lambunao | Bandera

2 memory world record naitala ng 12-anyos na si Jamyla Lambunao

Frederick Nasiad - December 05, 2013 - 03:00 AM


NAPANATILI ng 12-anyos na si Jamyla Lambunao ng Marikina City ang pangalawang puwesto ngunit nakapagtala ito ng dalawang world record sa sa Kids Division ng 2013 World Memory Championship na nagtapos nitong Lunes sa London.

Tulad noong isang taon ay nakuha ng grade 7 student ng St. Scholastica’s Academy Marikina ang silver medal sa Kids division ng taunang torneo para sa pagalingan ng memorya ngunit sa taong ito ay nabasag ni Lambunao ang world 12-under record sa Random Words event kung saan nakapagmemorya siya ng 151 words sa loob ng 15 minuto at sa Speed Numbers kung saan nakabisado niya ang 206 numero sa limang minuto.

Ang dating record ay naitala nina Lara Hick ng Germany (70 words) noong 2005 at Hu Xinyun ng China (202 digits) noong 2010.

Nabigo naman si Lambunao na masungkit ang gintong medalya matapos na kinapos ng 62 puntos sa nagkampeong si Dong Xun ng China na tumapos na may kabuuang 3678 puntos.

Bukod sa dalawang ginto sa Random Words at Speed Numbers ay nanalo rin ng apat na silver (Names & Faces, Binary Numbers, Spoken Numbers at Speed Cards) at tatlong bronze (Abstract Images, One-hour Cards at One-hour Numbers) si Lambunao.

Sa open division, nakakuha ng gintong medalya sa Spoken Numbers si Grandmaster of Memory (GMM) Mark Anthony Castaneda na nagtapos sa ikawalong puwesto mula sa 100 memory athletes na sumali galing sa 33 bansa.

Nagtapos din sa ika-11 puwesto si GMM Erwin Balines para itulak ang AVESCO Philippine Team sa 4th place finish sa likod ng overall champion Germany, Sweden at Mongolia.

Nasa panglimang puwesto naman ang Estados Unidos at bumagsak sa pang-anim ang dating two-time world champion China.
Samantala, nakumpleto naman ni Johann Randall Abrina ang tatlong norms para tanghaling ikatlong GMM ng Pilipinas habang si Axelyancy Cowan Tabernilla ay nakakuha rin ng kanyang pangalawang GMM norm matapos na mamemorya ang eksaktong pagkakaayos ng 12 decks ng playing cards sa loob lamang ng isang oras.

Ang iba pang miyembro ng AVESCO Philippine Team ay sina Anne Bernadette Bonita, Mikhaila Paraiso at coach Roberto Racasa.

( Photo credit to Fred Nasiad )

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending