Brent Manalo, Mika Salamanca nagpakilig sa Hakot Relay Run 2025

NAKABIBINGI ang hiyawan at palakpakan ng mga fans nang lumabas na sa entablado sina Brent Manalo at Mika Salamanca sa dinaluhan nilang event nitong weekend.
Kabilang ang tambalang BreKa sa mga special guest sa “Sunset Concert” na ginanap sa Burnham Green Park Luneta sa Manila nitong Sabado, Nobyembre 22.
Ito’y bahagi ng unang “Hakot Relay Run 2025” ng Puregold kung saan nakisaya rin sa concert ang KAIA at G22.
Nakakabilib ang supporters nina Brent at Mika dahil kaputukan pa ng araw ay nakapuwesto na sila sa harapan ng stage at bitbit ang kani-kanilang electronic placards.
Nakalagay dito ang pangalan ng dalawang former “PBB Celebrity Collab Edition” housemates. Hindi naman nabigo ang mga fabs dahil nilapitan talaga sila ng dalawa para magpa-selfie.
Samantala, viral naman sa social media ang larawan ng brands na nahakot ng mga nag-participate sa Unang Puregold Hakot Relay Run 2025.
Kitang-kita ang saya ng mga pami-pamilyang sumali dahil bukod sa naging family bonding na nila ito ay marami pa silang nauwing bags of groceries at ang iba ay nanalo naman sa raffle na ang premyo ay appliances, electronics at sako-sakong bigas.
View this post on Instagram
Kaya nga ang caption ng mga nag-post ay sa halagang P500 entrance fee ay puwede na silang magtayo ng tindahan sa rami ng nahakot nila sa mga booth na nakapalibot sa Burnham Green Park.
Pinangunahan ng Puregold Price Club President na si Vincent Co ang event kasama ang mga empleyado niya na sa tingin namin ay hindi bababa sa 300 ang bilang ng mga sumali.
Kuwento ng kaibigan naming naunang dumating sa venue na nakuhanan ng video si Vincent, “Grabe kahit ang daming tao, kitang-kita siya (Vincent), ang laki kasi niyang tao pala tapos ang puti-puti pa.”
Tama naman dahil pinanood namin ang video at parang may sariling ring light ang boyfriend ni Bea Alonzo.
Kuwento pa sa amin, “Hinanap nga namin si Bea, wala hindi sumali pero dumating yata at sinundo si Vincent.”
Ayon kay Vincent, “Wins come in many forms. This is a new one for us, as Puregold tries to create moments where families, friends and communities can connect. This Hakot Relay Run gave us a chance to do exactly that.”
Bukod sa Hakot Relay Run, nandiyan din ang CinePanalo Film Festival ng kumpanya ni Vincent Co na nasa ikatlong taon na sa 2026.
Inaabangan ito ng mga estudyanteng kumukuha ng filmmaking para sa kanilang short films. Ang CinePanalo ay ginaganap tuwing buwan ng Agosto.
Bago ang CinePanalo ay ginaganap naman noong Mayo ang Tindahan ni Aling Puring o TNAP convention na ginanap sa World Trade Center kung saan may 50% discount ang mga may pag-aaring tindahan.
Sa buwan ng Hulyo ay may OPM Concert pa na nasa ikatlong taon na rin sa 2026 kung malalaking singers-performers ang naka-line-up.
Samantala, na-curious kami sa sinabi ni CinePanalo Festival Director Chris Cahilig na manggugulat na naman ulit ang boss Vincent nila sa panibagong project sa 2026.
Anyway, natanong namin si Direk Chris kung tumutulong din ba sila sa mga biktima ng kalamidad at iba pang sakuna sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“Yes, pero ayaw nilang (management) ipasulat, o ipamalita, yung mga natulungan na lang ang makakapag-patunay,” sabi ni Chris nang makatsikahan namin sa Hakot Relay Run event.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
