Kumusta ka na, Swine Flu? | Bandera

Kumusta ka na, Swine Flu?

- September 02, 2009 - 10:54 AM

KASALUKUYANG nakikipaglaban sa Influenza A(H1N1) ang mga pangulo ng Colombia at Costa Rica na sina Alvaro Uribe at Oscar Arias, ayon sa pagkakasunod, habang ang akala ng karamihan ng mga Pilipino ay bakas na lamang ng lumipas ang sakit na ikinapraning ng sambayanan ilang buwan na ang nakararaan.

Kung ang mga pinakamatataas na tao sa mundo, na may sandamakmak na        taong nagpoprotekta, ay maaaring dapuan nito, paano na lang ang mga ordinaryong gaya natin? May saysay ang tanong na ito, pero ang una nating dapat itanong ay kumusta na nga ba ang Influeza A (H1N1)? Ang sagot: Mabuti (o masama) naman at patuloy pa rin ang pananalasa at paghahasik nito ng karamdaman sa buong mundo.

Ayon sa World Health Organization, lalagpas na sa 1,300 ngayong buwan ang namamatay sa Latin Amerika, ang rehiyon na pinakatinamaan ng sakit, at mahigit 800 naman sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas.

Umaabot na rin sa 182,000 ang kompirmadong nagkaroon nito (ang bilang ay maaaring nasa milyun-milyon na makaraang utusan ng WHO ang mga bansa na itigil na ang pagbibilang ng mga maysakit) simula nang unang pumutok ang balita ukol sa nasabing sakit noong Marso sa Mexico at US, dagdag ng WHO.

Kamakailan lamang ay muling nagbabala ang ahensya sa  ikalawang bugso ng epidemya na, ayon sa ahensya, ay mas mabagsik kaysa sa unang naranasan ng mundo. Kadalasan ay tumitindi ang trangkaso ang dumadami ang may sakit kapag tumutungtong na ang tag-lamig. At sa dami ng nagkaroon nito, naniniwala ang mga eksperto na madali lamang itong maipasa sa ibang tao. Kaya, dagdag ng WHO, ay asahan na ang muling pagkalat nito kapag nagsimula na ang autumn at winter sa mga bansa sa northern hemisphere.

Gusto naming kalampagin ang Department of Health, at dahil ayaw naming takutin ang publiko, upang maghandang muli upang malimitahan ang mga Pilipino na magkakaroon ng sakit.

Mayroon na ba silang emergency plans? Kung meron ay nakalatag na ba ang mga ito?
Mayroon pa bang supply ng anti-viral drug na Tamiflu? Sasapat ba ang mga ito?
Kumusta na ang pagbili ng bakuna laban sa sakit mula sa Swiss pharmaceutical company na Novartis AG? Nakapila na ba ang RP sa mga bibili nito gayong nung Mayo pa ay naka-order ang US? May pera pa ba na pambili ang Pilipinas dahil baka naman naubos na ito sa pagbiya-biyahe ng Pangulo sa iba’t ibang bansa?
Dapat talagang katakutan ang ikalawang bugso ng A(H1N1). Noong  Marso1918 ay nagsimulang magkasakit ang mga tao sa tinatawag na Spanish Flu. Kadalasan ay mga may mga karamdaman at matatanda ang dinadapuan nito, pero nang magsimula ang ikalawang bugso pagtungtong ng Agosto ay hindi na nito pinatawad pati mga bata at malalakas ang katawan. Nag-mutate ang virus sa nakamamatay na strain sa loob lamang ng limang buwan. Bago tuluyang napuksa ang sakit noong Hunyo 1920, umabot sa 500 katao ang nagkasakit, nasa pagitan ng 50 milyon hanggang 100 milyon ang nasawi.

Kaya ang tanong namin sa DoH, ready na nga ba talaga ang RP sa second wave ng A(H1N1)?

BANDERA Editorial, September 2, 2009

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending