Viral na: Relasyon daw ng CEO at empleyado huli-cam sa Coldplay concert

USAP-USAPAN na sa buong mundo ang umano’y nabuking na love affair ng CEO ng malaking kumpanya sa Amerika at ng kanyang empleyado sa concert ng bandang Coldplay.
“Nahuli-cam” na magkayakap sina Andy Byron, CEO ng AI-centric New York firm na Astronomer, at ang head ng kanilang Human Resources department na si Kristin Cabot, na sinasabing parehong may asawa na.
Mabilis na nag-viral ang video ng dalawa sa social media na kuha nga sa “Music of the Spheres World Tour” concert ng British rock band na Coldplay na ginanap sa Gillette Stadium, Foxborough, Massachusetts, USA, last July 16, 2025.
Sa Kiss Cam segment ng concert kung saan naghahanap ang cameraman ng mag-partner sa audience na mahihilingang maghalikan, ay naispatan at natutukan ng camera sina Byron at Cabot na magkayakap.
Baka Bet Mo: Bongbong Marcos sa pagdalo ng Coldplay concert: Music lover talaga ako
Nang malamang nasa malaking screen monitor nga ang kanilang mga mukha ay mabilis na tumalikod si Cabot at tinakpan ang face habang yumuko at umupo naman si Byron.
Nakita ni Chris Martin ng Coldplay ang pagtatago ng magdyowa sabay dialogue ng, “Oh, look at these two. Alright, come on, you’re okay! Uh oh! Either they’re having an affair or they’re just very shy.”
Mabilis na nag-viral ang video nina Byron at Cabot at napag-alaman na pareho silang meron nang pamilya base sa pag-iimbestiga ng mga netizens.
May mga Facebook user ang nag-upload ng LinkedIn post ni Byron nang kunin niya ang serbisyo ni Cabot bilang Chief People officer ng pag-aari niyang Astronomer.
“Kristin’s exceptional leadership and deep expertise in talent management, employee engagement, and scaling people strategies will be critical as we continue our rapid trajectory,” mensahe ni Byron kay Cabot.
Nabatid ding kasal si Byron kay Megan Kerrigan Byron, na isa namang educator. Dahil sa iskandalong kinasasangkutan ng kanyang asawa at natatanggap na mga comments ay binura na ni Megan ang kanyang Facebook account.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring bina-bash at binabanatan ng netizens sina Byron at Cabot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
