Mark Herras: Mami-miss ko yung walang prenong bibig ni Nanay Lolit

DUMATING ang actor-dancer na si Mark Herras sa burol ng dati niyang manager na si Lolit Solis kagabi, July 7, sa Aeternitas Chapels and Columbarium sa Quezon City.
Bumati muna siya sa mga kaibigan sa entertainment media na maroon saka nagtungo sa harap ng kabaong ni Manay Lolit at ilang minutong nag-alay ng panalangin.
Sandali muna siyang nakipagkuwentuhan sa anak ng namayapang TV host at showbiz columnist na si Sneezy Solis McDonald bago nagpaunlak ng panayam sa ilang members ng press.
Sey ng aktor, kahit daw nagkaroon sila ng samaan ng loob at hindi pagkakaintindihan ng dating manager at never siyang nagtanim ng sama ng loob.
Napakataas pa rin ng respeto niya kay Manay Lolit at hinding-hindi malilimutan ang magawa ng talent manager sa kanyang personal na buhay at career. Itinuring din daw niyang tunay na ina si Manay.
Matatandaang naging isyu ang umano’y pangungutang niya noon ng P30,000 kay Manay Lolit para may pambili siya ng gatas para sa anak nila ni Nicole Donesa na si Corky.
Sa tanong kung ano ang mami-miss ni Mark kay Manay Lolit, “Siyempre, yung walang prenong bibig ni Nanay. Kahit saan si Nanay, kapag may gusto siyang sabihin sa ‘yo, sasabihin niya yun.”
Isa raw ito sa paraan ng yumaong talent manager para ipakita sa isang tao na mahal at importante ka sa kanya at hindi para mamahiya.
Bukod kay Mark, ang ilan pa sa dumalaw sa burol ni Manay Lolit kagabi ay ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez na nag-alay pa ng kanta, ang celebrity couple na sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, at sina Christopher de Leon at Sandy Andolong.
Halos gabi-gabi ring nandu’n ang alaga ni Manay na si Paolo Contis, sina Benjie Paras, Earl Ignacio, Polo Ravales, Zsa Zsa Padilla at marami pang iba.
Nakatakdang i-cremate bukas, July 9, ang labi ni Manay Lolit kasunod ang paghahatid sa kanyang huling hantungan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
