Queen Hera nagreklamo sa NBI matapos gamitin ang anak sa kababuyan: Hustisya!

Queen Hera
NAGSAMPA na ng kaukulang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang social media influencer na si Queen Hera kaugnay ng paggamit sa litrato ng anak sa kalaswaan online.
Personal na nagtungo si Queen Hera sa tanggapan ng NBI para pormal na maghain ng reklamo laban sa mga taong nagmanupula sa pictures ng anak na si Baby Diamond at idinikit sa malalaswang larawan at saka ibinebenta.
“Sobrang sakit na makita na nakadikit sa mga picture na ‘yun ang mukha ng anak mo kahit sabihing edited lang ‘yun. This is a very serious matter.
“Kaya awareness na lang sa mga magulang na mahilig mag-post ng mga bata,” sabi pa Hera sa isang video na ipinost niya sa Facebook.
“Lahat gagawin ko para magkaroon ng justice ang nangyari. Magkaroon tayo ng awareness kasi matagal na ‘to nangyayari,” ang matapang pang pahayag ng social media influencer.
Nauna rito, ipinaalam ni Hera ang insidente sa publiko sa pamamagitan ng Facebook, “May nag-message sa ‘kin na isang nanay or mother na about daw sa victim daw ‘yung anak niya ng cyber crime or ginagamit daw ‘yung video nu’ng anak niya para ibenta.
“Nu’ng nag-scroll daw siya doon sa website, nakita daw niya ‘yung picture ng anak ko and then sinend sa akin ‘yung picture.
“Dinikit du’n sa larawan nu’ng ari ng lalaki, na parang ‘yung nagsasalita ‘yung anak ko nakabuka ‘yung bibig, nakadikit doon. Mapapamura ka talaga sa galit. Sobrang bata pa ng anak ko para babuyin nila ng ganu’n,” umiiyak na pagbabahagi ni Hera.
Ibinenta raw ang litrato sa halagang P1,500 o USD$26. Ayon pa sa ina ng bata, may isang IT professional na raw ang tumutulong sa kanya para ma-identify ang nasa likod ng krimeng ito.
Ayon naman sa National Privacy Commission (NPC), tumataas daw ang online child pornography cases dahil sa artifical intelligence (AI).
“Maaaring gamitin ito para gawan ng masama or iedit yung picture at gamitin sa isang video na hindi kaaya aya,” ani Roren Marie Chin, Public Information and Assistance Division Chief ng NPC.
“Ang amin lang paalala ay palaging maging maingat at mapanuri sa pinopost natin. I-set natin ‘yung ating Facebook, social media account sa private na setting kung saan ‘yung mga kakilala natin ‘yung mga nakaka-access,” aniya pa.
Sabi naman ni Hera, “Anak, mapapanood mo ‘to one day, so I feel so sorry kasi nangyari sa ‘yo ‘to. Iniisip ko palang na until now, andun pa rin ‘yung pictures mo at wala ako magawa para mapatanggal ‘yun. I’m so sorry, anak.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
