
Rhian Ramos at Sam Verzosa
SA gitna ng mas umiinit at tumitindi pang labanan sa nalalapit na halalan, nagpapasalamat si Sam Verzosa kay Rhian Ramos sa patuloy na pagsuporta at pagmamahal nito sa kanya.
Feeling ni Sam na tumatakbong mayor ng Maynila ngayong May, 2025 elections, talagang lucky charm niya ang kanyang girlfriend na kahit busy din sa pagtatrabaho ay 100 percent pa rin ang support sa kanyang pangangampanya.
Sa naganap na Tinapayan Festival Forum sa Dapitan St., Sampaloc, Manila nitong nagdaang April 4, natanong ng BANDERA si Sam kung paano siya inaalagaan ni Rhian ngayong campaign season.
“Swerte ako at malakas pa ang aking pangangatawan at maswerte ako dahil meron akong Rhian Ramos na magbibigay ng inspirasyon.
“Noong isang araw, naglibot ako sa Sta. Ana, Sta. Mesa. At pagdating ko sa Onyx, bigla niya akong binisita at sinamahan sa kampanya,” sagot ni Sam.
Dagdag pa ng TV host at kongresista, “Minsan kahit nakakapagod at kapag bigla kang sinorpresa at binibigyan ng inspirasyon, nawawala ang pagod mo.
“Noong binigyan niya ako ng inspirasyon, yung next caucus ko napakaganda ng speech ko. Nabuhay ang kalamnan ko. Na-inspire ako,” saad pa ni SV.
“Nagpapasalamat talaga ako kay Rhian. Hindi lang kasi inspirasyon ang binibigay niya sa akin. Meron ding peace of mind and peace of heart. Sa dami ng nangyayaring kaguluhan, yun ang kailangan natin, eh.
“Maraming salamat Rhian. Sana nandyan ka palagi. Katulong ko siya sa pag-iisip. Napakatalino ni Rhian. Yan ang kasama ko sa pag-iisip kung paano tumulong at gumawa ng plataporma at programa,” mensahe pa niya sa pinakamamahal na girlfriend.
Nagbigay pa siya ng advice sa lahat na mahalaga talaga ang pagpili ng tamang tao na mamahalin at pagkakatiwalaan, “Kaya ang payo ko sa mga tao na pumili sila ng tamang partner.
“Isa yan sa pinaka-importanteng desisyon na gagawin mo sa buhay mo dahil siya ang maimpluwensya sa buhay mo,” sey pa ni Sam.
Samantala, sinagot din ni Sam ang tanong ng media kung bakit nagdesisyon siyang tumakbong mayor sa Maynila gayung napakaganda na ng buhay niya at marami na rin siyang natutulungan kahit wala sa posisyon.
“Dito po ako masaya, eh, sa pagtulong at pagbago ng buhay. Galing ako sa wala at alam ko ang pakiramdam ng wala at alam ko rin ang pakiramdam ng pag-angat.
“Marami na akong natulungan at nabagong buhay. Sobra-sobra ang blessing sa akin ng Panginoon. Hindi ito para solohin ko kundi para ishare ito sa mga tao.
“Hindi lang naman resources ang binigay sa akin. Hindi lang naman kayamanan eh. Binigyan din ako ni Lord ng talino, experience, at leadership. Pero higit sa lahat binigyan niya ako ng puso. Yan ang pinaka-importante.
“Hindi naman ito patalinuhan at pagalingan. Maraming magaling at matalino. Minsan sa sobrang galing maraming tuso. Minsan ang nangyayari, iniisip nila ang sarili nila. Dapat ang mauna,” tuluy-tuloy na pagbabahagi ni SV.
Tinawag din ni Sam na “calling” at “destiny” ang pagtakbo at pagtulong niya sa mga Manilenyo.
“Ang pwede kong ipangako sa mga taga-Maynila…wala akong interes sa pera ng Maynila. Meron na akong negosyo. Ako pa nga ang nagbibigay ng extra eh. Wala akong babawiin sa Maynila. Dadagdagan ko pa. Triple pa.
“Mas patitindihin ko pa. Ano ba naman na tulungan ko ang mga kababayan natin? Ang masaklap kasi is bago pa makarating sa Maynila bawas na. So ang umaasensyo ay yung mga namumuno. Ito na siguro ang calling ko.
“Malinis na puso at malinis na pamamalakad. Yan ang gagawin ko sa Maynila. Fulfilling this purpose brings happiness,” ang ipinagdiinan pang mensahe ni SV sa mga taga-Maynila.