
Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan
HINDI na nakapagpigil si Megastar Sharon Cuneta at talagang inalmahan na ang mga naglalabasang fake news tungkol sa asawang si Kiko Pangilinan.
Kaliwa’t kanan na raw kasi ang kumakalat na mga pekeng balita sa social media patungkol kay Kiko na tumatakbo uling senador ngayong darating na May, 2025 elections.
Idinaan ni Sharon ang paglalabas ng kanyang saloobin hinggil dito sa pamamagitan ng isang video statement na in-upload sa iMPACT Leadership Facebook page.
Ayon kay Mega, matagal niyang pinag-isipan kung papatulan pa ba niya ang mga paninira sa kanyang asawa.
“E, wala hong tigil ang mga tsismis na peke naman tungkol sa kanya lalo ngayon na siya ay tumatakbo ulit para senador.
“E, ang lakas po ng impluwensiya ng social media ‘di ho ba? Lalo na ngayon at lalo na kapag nega at may malisya,” simulang pahayag ni Sharon.
Ipinunto pa ng TV at movie icon, “Ayon po sa mga social scientists, kapag daw ang isang kasinungalingan o fake news ay paulit-ulit pong pinagkalat at paulit-ulit pinakita sa inyo o sa taong-bayan, maya-maya po, aba’y, mayroon na pong maniniwala.”
Nanindigan pa si Sharon na puro pekeng balita ang binabato laban kay Kiko. Aniya, sa mahigit tatlong dekada nilang pagsasama, napatunayan na niyang isa itong mabuting asawa at ama.
“Kapag siya po ay nangako talaga pong harangan man ng sibat kailangan tuparin niya. Gano’n po siya sa amin. Nagawa na niya at gagawin po niya ulit,” ang pahayag pa ni Sharon Cuneta.