Ogie Diaz sa mga kandidato: Hindi porke malinis ang puso, pwede na!

Ogie Diaz
AGREE kami sa mga hugot ng content creator at talent manager na si Ogie Diaz patungkol sa mga kumakandidato ngayong May, 2025 midterm elections.
Tama ang sinabi ni Mama Ogs na hindi sapat ang kabaitan at kabutihan ng kalooban ng mga tumatakbong politiko para ihalal ng taumbayan sa posisyon.
Hindi nga porke malinis ang puso mo ay pwede ka nang maglingkod sa bayan. Kailangang malinaw ang plataporma ng bawat kandidato upang malaman ng publiko kung ano ang magagawa mo para sa bawat Filipino.
Nag-post si Mama Ogs ng kanyang hamon para sa lahat ng nag-file ng certificate of candidacy (COC) para sa magaganap na eleksyon sa darating na Mayo.
Baka Bet Mo: Rosanna Roces ayaw gawing pelikula ang buhay: ‘Walang kabutihang mapupulot’
“Sa mga tumatakbo sa kahit anong posisyon: Pag tinatanong kayo kung anong batas ang isusulong nyo kung sakaling manalo kayo, sagutin n’yo.
“Kasi batayan din yan ng mga botante kung karapat-dapat kayong iboto pagkatapos marinig ang mga plano n’yo para sa bayan o sa mga constituents n’yo,” ang simulang pahayag ni Ogie.
Patuloy pa niya, “Hindi yung gagamitin mo na lang yung gasgas nang narrative na, ‘Naghihirap na ang bansa. Ang iniisip natin ay kung paano makakatulong sa kanila.’ Ang linaw ng tanong: anong batas nga?!
“Kung kaya mong utuin ang mahihirap na iboto ka, paano naman yung mga gustong malaman at aralin ang plataporma mo?” ang malinaw na punto pa ng online host.
Korak na korak din ang sinabi niyang gamit na gamit na naman ang mga mahihirap nating kababayan ngayong panahon ng eleksyon dahil puro sa kanila uli ang mga pangako ng halos lahat ng politiko.
“Juicekolord! Gamit na gamit na ang mahihirap nating kababayan, pero hanggang kampanya at eleksyon lang ba sila mabango at kailangan ng mga tumatakbo?
“Pero ang buhay ng karamihan, nganga pa rin sa kaaasa sa mga pangako ng mga pulitiko?
“Pag-aralang maigi ang papasuking pulitika. Hindi porke malinis ang puso mo, pwede na.
“Salamat kung totoong malinis ang puso mo, ha? Pero kailangan din ng UTAK. Higit sa lahat — ng malinis na KUNSENSIYA,” ang matapang pang pahayag ni Ogie Diaz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.