
PHOTO: Facebook/Jellie Aw
“WALA na pong kasal na magaganap.”
Ito ang sagot ng content creator at DJ na si Jellie Aw matapos mag-sorry sa national TV ang kanyang fiance na si Jam Ignacio.
Sinabi pa nga ng binata na pinagsisisihan niya ang ginawang pambubugbog at ipinahiwatig na gusto pa rin niyang ituloy ang pagpapakasal sa girlfriend.
Noong Biyernes, February 21, na-interview ng GMA News si Jellie upang hingan ng reaksyon tungkol sa ginawang public apology ni Jam.
Baka Bet Mo: Jam Ignacio nagtatago na nga ba matapos kasuhan ni Jellie Aw sa NBI?
Ang diretsahang sagot ng content creator, “Wala na pong kasal na magaganap. Hindi na po matutuloy ‘yung mga napag-usapan namin dahil po sa nangyari.”
Ibinunyag din ni Jellie na pati ang kanyang ina ay na-trauma sa nangyari at tila lumala ang sakit.
“Parang gabi-gabi po siyang umiiyak. Hindi ko kaya, hindi ko kaya na ganun ‘yung nanay ko. Kumbaga siya nalang ‘yung natitira sa akin eh. Kumbaga iingatan ko na siya nang dahil doon sa nangyari sa amin ni Jam, naging kritikal pa ‘yung nangyari sa nanay ko ngayon,” sey niya.
Paliwanag niya, “Hindi po siya makatayo kagabi eh. Siguro sa sobrang pag-aalala niya sa akin, masyado niyang dinamdam.”
Ayon kay Jellie, itutuloy niya ang isinampang kaso laban kay Jam.
“Hindi ako papayag na ganun ganun na lang po. Madaling mag-sorry eh, pero sa ginawa niya sa akin nu’ng time na binubugbog niya ako, hindi niya naisip ‘yun,” sambit niya.
Kasunod niyan, inamin ng DJ na may panghihinayang siya sa nangyari at mahal pa rin daw niya si Jam.
“Plano na naming mag-baby, plano na talaga naming mag-family, marami kaming plano ni Jam na nakakapanghinayang dahil sa nagawa niyang pambubugbog sa akin, nawala lahat,” saad niya.
Dagdag ng dalaga, “Love ko pa rin po kahit ganun ‘yung ginawa niya sa akin. Love ko pa rin naman po si Jam, pero siyempre, respeto na rin po sa akin bilang babae and sa family ko na sana harapin niya ‘yung ginawa niya.”
Ang mensahe pa niya sa fiance: “Kung talagang mahal mo ako, harapin mo ‘yung ginawa mong kasalanan.”