
INQUIRER file photo
BAGO mag-date ngayong Valentine’s Day, huwag ninyong kalimutang magdala ng payong at kapote!
Sinabi kasi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang umaga, February 14, inaasahan ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa ahensya, ito ay dahil sa epekto ng tatlong weather systems –ang Shear Line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at Easterlies.
Base sa weather forecast ng PAGASA, ang Shear Line ay magdadala ng scattered rains and isolated thunderstorms sa Batanes, at Babuyan Islands.
Baka Bet Mo: V-Day 2025: Alexa, Rita ipaglalaban ba ang taong mahal kahit ayaw na sa kanila?
Mararanasan din ang mga pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Metro Manila dahil sa Easterlies.
At ang ITCZ naman ay magdadala ng kalat-kalat o panaka-nakang ulan sa Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at nalalabing bahagi ng Mindanao.
Samantala, nauna nang ibinalita ng weather bureau na posibleng may isa o walang bagyo para sa buwan ng Pebrero.
“Ayon sa ating monthly climatology track, itong bagyo na ito ay posibleng lumapit dito sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao,” paliwanag ni Weather Specialist Grace Castañeda kamakailan lang.
Dagdag pa ng forecaster, “Posible rin naman na mag-curve at maging malayo sa anumang bahagi ng ating kalupaan.”
Sakaling magkaroon ng bagyo, ito ay tatawaging “Auring,” ang unang bagyo sa bansa para sa taong 2025.