PATUNAY ng epekto at kahusayan nito, nakatanggap ng dalawang nominasyon ang “Cayetano in Action with Boy Abunda” (CIA with BA) sa 38th PMPC Star Awards for TV.
Batay sa opisyal na listahan ng mga nominado na inilabas ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ngayong buwan, kabilang ang CIA with BA sa mga posibleng manalo ng Best Public Affairs Program.
Samantala, ang mga host nitong sina Sen. Alan Peter at Sen. Pia Cayetano, kasama si Boy Abunda, ay nominado rin bilang Best Public Affairs Program Hosts.
Matapos ang anunsyo, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang programa sa natanggap na pagkilala.
Baka Bet Mo: Star Magic binantaan ang bashers ng kanilang talents; OPM artists bibida sa PMPC benefit concert
“Malaki po ang aming pasasalamat sa PMPC Star Awards for TV sa pagbibigay ng nominasyon sa amin,” pahayag ng “CIA with BA.”
“Ang parangal na ito ay hindi lang isang pagkilala, kundi isang motibasyon para sa amin upang lalo pang pagbutihin ang aming serbisyo at tulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng legal na tulong at gabay sa kanilang mga problema,” mensahe pa ng programa
Idaraos ang awarding ceremony sa darating na Marso 23, 2025, kung saan iaanunsyo ang mga mananalo sa 38th PMPC Star Awards for TV.
Samantala, sa pagpapatuloy ng “Hong Kong special” episode nito noong Linggo, Pebrero 9, itinampok ng “CIA with BA” ang mga pagsubok at tagumpay ng mga kababaihang nagsakripisyo para sa mas magandang kinabukasan ng kanilang pamilya.
Sa pamamagitan ng taos-pusong usapan, ipinakita ng episode ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipinang nagtatrabaho sa ibang bansa at kung paano sila patuloy na nagsisikap para sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Ang “CIA with BA” ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Sen. Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA 7, at may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m..