V-Day 2025: La Mesa Eco Park very sulit na nature date goals, budget-friendly pa

V-Day 2025: La Mesa Eco Park very sulit na nature date goals, budget-friendly pa

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

KUNG sawa ka na sa usual na dinner date sa mga restaurants o paglalakad sa mall tuwing Valentine’s Day, bakit hindi subukan ang mas fresh at kakaibang date spot?

La Mesa Eco Park sa Quezon City ang sagot sa budget-friendly at nature-filled bonding experience kasama ang iyong minamahal, pamilya, o barkada!

Sa panayam namin kay Jeffrey Castañeros, Advocacy Lead ng La Mesa Eco Park para sa Manila Water Foundation, ibinahagi niya kung bakit perfect itong lugar para sa mga naghahanap ng mas espesyal na paraan ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.

“Well, it’s a good opportunity to visit nature and experience nature once again,” sey ni Jeffrey.

Baka Bet Mo: V-Day 2025: Angelu sa taong mahal mo pero ayaw na sayo: ‘Know your worth!’

YouTube video player

Paliwanag niya, “Alam naman natin na since nasa city tayo, we usually go to the malls or sometimes bahay-work, bahay-work. So parang it’s a really good opportunity for us to go out, enjoy the day and be with nature every now and then, especially sa Araw ng mga Puso na kasama natin ang special loved ones natin.”

Isipin mo na lang –malayo sa traffic ng lungsod, tahimik na paligid, at sariwang hangin.

Oh ‘di ba, perfect combo para sa relaxing date na puno ng kwentuhan at kulitan!

Bukod diyan, marami rin silang ino-offer na recreational activities na pwedeng gawin sa lugar, kagaya na lamang ng biking, rappelling, target shooting, wall climbing, at marami pang iba.

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

Kung chill picnic vibe naman ang hanap mo, pwede kang magdala ng banig at mag-set up ng picnic spot sa malawak na mga open spaces ng park na perfect para sa mga gusto ng intimate at relaxed bonding.

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

Para sa mga curious kung magkano ang entrance fee at activities?

Good news para sa mga taga-Quezon City –libre ang entrance basta mag-register lang sa website ng Manila Water Foundation!

Para naman sa mga hindi taga-QC, minimal lang ang bayad na P20.

Sa mga activities gaya ng wall climbing, rappelling, at target shooting, nagre-range ang bayad mula P199 hanggang P599 per head.

Ang bike rentals naman ay nasa P100 to P250 depende kung ang kukuhain niyo ay pang couple, pang-single adult or pambata.

Wait, there’s more! Hindi rin papahuli ang La Mesa Eco Park sa paandar ngayong Valentine’s.

“Magkakaroon kami ng mga booths kung saan pwedeng magpa-watercolor painting ang mga bisita,” pagbabahagi ni Jeffrey.

Maliban diyan, may iba pang surprises na dapat abangan kaya stay tuned kayo sa social media platforms ng La Mesa Eco Park.

Tiniyak din sa amin ni Jeffrey na very safe mag-date sa nasabing park: “More than anything else, ang priority natin ay ang kaligtasan ng lahat ng bisita.”

Ayon sa kanya, ang lahat ng staff at security personnel ay trained sa first aid, at regular na mine-maintain at chine-check ang mga equipment para siguraduhing ligtas ang bawat activity.

Mensahe ni Jeffrey, “Sa lahat ng couples, families, even friends na naghahanap ng pwedeng puntahan ngayong Valentine’s Day, inaanyayahan ko po kayong bisitahin kami dito sa La Mesa Eco Park.”

“Mapa-wonder [sa] bago at pinagandang La Mesa Eco Park, mapa-wonder sa ganda ng kalikasan, at mapa-wow sa experience na aming ino-offer,” aniya.

Oh ayan, mga ka-Bandera! May bagong option na kayo for Valentine’s Day kung naghahanap kayo ng simple, pero memorable na paraan.

Read more...