
Norman Santos at Universal Motion Dancers
SUMAKABILANG-BUHAY na ang original member ng Universal Motion Dancers (UMD) na si Norman Santos matapos makipaglaban sa matagal na nitong sakit sa kidney. Siya ay 52 years old.
Kinumpirma ng kanyang partner na si Chato Maria ang pagpanaw ng dating UMD member nitong nagdaang Lunes, February 3, sa pamamagitan ng social media.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Chato na ilang taon ding lumaban si Norman Santos o Norman Montibon sa tunay na buhay, sa kanyang karamdaman.
“It is with great sadness that I announce the passing of Norman Santos on February 3, 2025, after a prolonged fight against kidney failure, necessitating dialysis for over 12 years,” bahagi ng FB status ni Chato.
Aniya pa, maaaring maganap ang wake para sa labi ng dancer mula February 12 hanggang February 16 sa St. Peter Memorial Chapels sa Tabacuhan, Olongapo City.
Si Norman ang ikalawang miyembro ng UMD na namaalam na. Unang pumanaw si Gerard Faisan na namatay sa edad 23 dahil naman sa kumplimasyon dulot ng sakit nitong asthma noong December 31, 1997.
Sumikat nang todo ang all-male group na UMD sa entertainment industry noong dekada 90 na kinabibilangan din nina Wowie de Guzman, Brian Furlow, Marco McKinley, Gerry Oliva, at ang kambal na sina Jim at James Salas.
Bukod sa mga pinasikat nilang dance covers, bumida rin ang UMD sa mga pelikulang “Sige… Ihataw Mo” (1994) at “Ibigay Mo Nang Todong-Todo” (1995).