
Yexel Sebastian
MULING nagparamdam ang dancer at toy collector na si Yexel Sebastian sa social media matapos masangkot sa umano’y P200-million investment scam.
Makalipas ang mahigit isang taong pananahimik, nag-post uli si Yexel sa kanyang Instagram account upang itanggi ang patuloy na pagdadawit sa kanya at sa partner niyang si Mikee Agustin sa naturang multi-million investment scam.
Nagpaliwanag na noon si Yexel sa pamamagitan din ng socmed hinggil sa issue at sinabing legit ang casino junket na pinunatahan nila pero walang paliwanag kung saan nga napunta ang pera ng mga OFW na nakisosyo sa kanila.
Nabuking ang sinasabing P200 million investment scam nang humingi ng tulong ang mga investor sa public service program ni Sen. Raffy Tulfo.
Baka Bet Mo: Yexel Sebastian, Mikee Agustin trending dahil sa umano’y P200-M investment scam, lumipad papuntang Japan
Paliwanag ni Yexel nang tawagan ni Tulfo sa telepono, investor din lang din sila ni Mikee, “In-explain ko naman po sa kanila na ako rin po talaga, kami ni Mikee, investor din po kami talaga.
“Kumbaga, nagandahan din po kami sa platform kaya po nag-post kami sa social media namin na kung sino ang mag-invest din, mag-invest din po sila.
“Ito po kasing investment na to ipinasok sa casino junket (operations). In-explain ko po sa mga tao na hindi po ako ang may-ari nito,” sabi ng dancer.
At sa latest Instagram at Facebook post nga ni Yexel, ipinagdiinan niyang wala pa raw silang warrant of arrest para sa mga reklamong isinampa laban sa kanila sa Department of Justice (DOJ).
“To Family and Friends isama nadin natin un mga nakiki chismis at usyoso lang. Mula umalis kami ng Pilipinas, Oct 9 2023, hanggang sa kasalukyan, January 31 2025.
“Wala po kaming kaso, wala po kaming hold departure, wala pong kaming warrant of arrest, at hindi po kami wanted.
“UP TO NOW, opo hanggang sa kasalukuyan, yan po ay pinalaki at pinalala ng maling programa, mapanghusgang at papogi na broadcast journalist, media personality, mga influencers at mga Nakisawsaw na mga vloggers at pages para pagkakitaan,” simulang pagtatanggi ni Yexel.
Patuloy pa niya, “At kahit malaking mainstream media, totoo na hindi lahat ng nakikita at napapanood mo sa kahit ano o kahit sino ay pwede mo na agad paniwalaan.
“Hanggat wala ka don sa mismong pangyayari o ikaw mismo ang naka saksi o nakakita, wag kang maniniwala,” saad ng dancer kasabay ng pagkumpirma na wala pa rin daw nagaganap na pag-usad sa kanilang kaso.
“Sinampahan kami ng kaso at nasa DOJ parin hanggang sa ngayon, wala pang resolution o resulta, kung i aakyat ba ito bilang kaso o ibabasura ng korte.
“Kumbaga nasa step 1 palang pero sa mata nang hindi lubusang nakaka intindi at makikitid ang pang unawa at hindi nakaka kilala sa amin ay nahatulan na kami bilang scammer o manloloko.
“Hindi pa umaakyat o hindi paman din kami nakakalaban sa korte nahatulan na, bakit? Kasi mas magaling pa tayong mga nagcocomment lang, nakikichismis lang.
“Kesa sa mga abugado at hurado. At sa tunay na inakusahan mas lumaki ang bibig natin kesa sa isip natin mas madali pagtawanan ang mga tao kesa tulungan maka ahon
“Yun may ari po ng Casino Junket (Hector Pantollana ay nadakip na sa Indonesia nun Nov 2024 at naka detain napo jan sa Pilipinas). Nasa news po yan last year. Yan po yun binanggit ko na pangalan na hindi pinaniwalaan ng karamihan
“Dahil mas madali maniwala sa chismis kesa maging matalino at magisip. Meron din mga tao o kaibigan mong itinuring na imbis na i angat at ipaglaban ka, sinawsawan ang issue para ibida ang sarili at gawin kang katatawanan,” aniya pa.
Patuloy pa ng dancer, “Nakulong si Neri Naig, may dalawang warrant of arrest si Ken Chan, si Ruffa Mae (Quinto) sinampahan din ng kaso. Meron din singer na nireklamong scammer na palagay ko wala ding intensyon ang mga taong ito para manloko ng mga tao.
“Ang gusto lang ay kumita ng malaki at makatulong din sa iba dahil sa oportunidad na nakita,” sey pa ni Yexel.
Samantala, sa part 2 ng IG post ni Yexel, inamin niyang na-hurt siya sa panghuhusga sa kanya ng mga tao lalo na sa pagtawag sa kanya ng “manloloko ng mga OFW.”
Ani Yexel, “Ang tagal kong binuo ang pangalan ko hindi para manloko. Dahil dati rin akong OFW at alam ko ang paghihirap sa bawat pisong kinikita.
“Sadyang meron mga bagay sa mundo na hindi natin kayang macontrol kapag naglaro na ang tadhana.
“Yan ay maaaring tama ako sa paningin ko at tama din sila sa paningin nila pero iba ang ipinakita sa amin ng tadhana. Hindi ako humihinto gumawa ng paraan na balang araw babalikan ko lahat ng taong nalugi para tulungan sila.
“Hindi para bayaran dahil hindi ako ang nangutang sa kanila at maliwanag na alam nilang lahat yun. Kundi ‘para tulungan’ sila maka ahon sa paraan at diskarteng alam ko.
“Pero sa ngayon mas mabuti tahimik nalang muna at Diyos nalang ang magpapasya kung ipagkakaloob ang lahat ng plano na gusto kong mangyari.
“Naging mahirap sakin ito dahil sa napakaraming tao ang nagsasalita at nakikigulo, nagkakampihan at lahat ng sasabihin ko ay gagamitin laban sa akin.
“Kaya minabuti ko nalang na tumahimik at panoorin kung ano ang mga susunod na mangyayari.
“Tinanggap lahat ang mga paratang, masasakit na salita laban sakin, na kahit tumatagos ito sa buto at kaluluwa hinayaan ko lang at mas inunawa na mas marami ang naapektuhan at nasirang buhay, kahit ganon din ang sitwasyon na sinapit namin,” pahayag pa ni Yexel.
“Ganon paman tuloy lang ang buhay na nagpapasalamat palagi sa Diyos. Kahit mahirap ang sitwasyon wag kang hihinto manalangin at mas lalo ibigay ang buong tiwala na darating ang araw na liliwanag muli ang madilim na daanan na sa bawat patak ng luha ay tutumbasan Nya ng mas higit pang biyaya at kaayusan sa tamang panahon.
“Mas maraming aral, karanasan at nakatagong biyaya ang mapupulot natin sa mapapait na pangyayari satin kaya lagi parin natin ibigay ang papuri sa pinaka makapangyarihan at pinakamataas sa lahat.
“Ipagpatuloy ang buhay na lagi parin nagpapasalamat sa lahat ng pinagdaanan at ‘nakamtan,'” sabi pa ni Yexel na pinaniniwalaang nasa ibang bansa pa rin hanggang ngayon kasama si Mikee.