Mga Laro Ngayon
(JCSGO Gym)
12 p.m. NLEX vs Arellano-Air-21
2 p.m. Big Chill vs Cebuana Lhuillier
4 p.m. Café France vs Derulo Accelero
Team Standings: Big Chill (3-0); Hog’s Breath (2-0); Cagayan Valley (4-1); Jumbo Plastic (3-1); Blackwater Sports (2-1); Boracay Rum (2-2); Café France (2-2); Zambales M-Builders (2-3); Cebuana Lhuillier (1-2); Arellano-Air21 (1-2); Wang’s Basketball (1-2); NU-Banco de Oro (0-3); Derulo Accelero (0-4); NLEX (0-0)
PALALAWIGIN ng Big Chill ang kanilang pagpapanalo sa apat na sunod sa pagharap nito sa Cebuana Lhuillier sa pagpapatuloy ng 2013-14 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sasandalan uli ni Big Chill head coach Robert Sison ang magandang samahan ng kanyang koponan sa kabila ng mga bagong mukha na kanyang kinuha para lalong palakasin ang kampanya sa conference na ito.
“We worked very hard and it is paying off at this point,” pahayag ni Sison matapos manalo ang Superchargers sa Banco de Oro, Jumbo Plastic at Blackwater Sports sa una nitong tatlong laban.
Ang koponan ay pinapangunahan ng mga dating PBA players na sina Reil Cervantes at Khazim Mirza at ng scorer ng University of Perpetual Help Altas na si Juneric Balorio na pawang mga bagong miyembro ng koponan.
Tiwala naman si Sison na magpapatuloy ang ibinibigay na magandang numero ng tatlong nabanggit bagaman inaasahan niyang mabigat na katunggali ang Gems na may malamyang umpisa sa torneo matapos na matalo ng dalawang beses sa tatlong laro.
Unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali ay sa pagitan ng NLEX Road Warriors at Arellano University-Air21 Express habang ang ikatlo at huling tagisan dakong alas-4 ng hapon ay sa hanay ng Café France at Derulo Accelero.
Ito ang unang laro ng Road Warriors at gagawin ito dalawang araw matapos magkampeon ang San Beda Red Lions sa NCAA.
Si coach Boyet Fernandez ang siya ring mentor ng Red Lions at bibitbitin niya sa NLEX ang mga pambatong manlalaro ng San Beda sa pangunguna nina Baser Amer at Ola Adeogun.
Ang mga Red Lions ang huhugutan ng dagdag lakas ng NLEX matapos mawala na sa team sina RR Garcia, Nico Salva at Greg Slaughter na umakyat na sa Philippine Basketball Association.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.