Sekyu naubos ang pasensiya sa viral ‘Sampaguita Girl’, nag-sorry

Sekyu naubos ang pasensiya sa viral 'Sampaguita Girl', nag-sorry

LUMANTAD na ang security guard na nasangkot sa viral video kung saan pinalalayas niya ang isang babaeng sampaguita vendor sa harap ng mall sa Mandaluyong.

Personal na nagtungo ang sekyu sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) nitong nagdaang  Lunes, January 20, upang magpaliwanag tungkol sa nangyari.

Nag-sorry ang security guard sa mga nangyari at nagpaliwanag sa naging marahas na pagpapaalis niya sa sampaguita vendor na nakapuwesto at nakaupo sa hagdan ng mall.

Ayon sa security guard, totoong nasaid ang pasensiya niya sa dalagang estudyante kaya sinira niya ang paninda nitong sampaguita.

Kinumpirma rin ng sekyu na naganap ang insidente noong December 17, 2024.

Baka Bet Mo: Sampaguita girl hindi na nagtitinda dahil sa trauma, nais mag-‘sorry’ sa sekyu

Base sa ulat, bukod sa sekyu, ipinatawag din ng PNP ang pamunuan ng security agency kung saan ito nakakontrata, ang Red Eye II Security and Services Inc.. para magbigay linaw din sa isyu.

Nilinaw ng Red Eye II operations manager na si Marvin Lacanglacang na hindi tinanggal ang empleyado nila sa trabaho pero kanila itong sinuspinde habang isinasagawa ang imbestigasyon.


Ito’y paglilinaw nila sa inilabas na official statement ng SM Megamall matapos mag-viral ang video.

“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation.

“The Security Guard has been dismissed and will no longer be allowed to service any of our malls,” ang bahagi ng pahayag ng mall.

Nangako rin ang security agency na magpapatupad ng mga karagdagang programa at training para sa kanilang mga empleyado upang maiwasan na ang mga katulad na insidente.

“Ang sa amin lang, sa sitwasyon na yun, kinausap na lang namin yung guard namin na sana wag na ulit mangyari yun.

“Saka, kung anuman ma-encounter, susundan na lang yung natin yung tinuturo sa mga traning,” sabi pa ni  Lacanglacang.

Nauna rito, nagpahayag ng pangamba kamakailan ang  sampaguita vendor para sa kanyang buhay dahil baka raw balikan o resbakan siya ng sekyu.

Ayon kasi sa nag-viral na babaeng estudyante sa social media, sa kabila raw ng pagso-sorry niya sa security guard at sa pag-aming nagbebenta siya ng sampaguita para pangtustos sa kanyang pag-aaral, ay dumarami pa ang mga nakikisimpatiya sa sekyu.

“Gusto ko pong tahimik lang ang buhay ko, privacy lang po ang nais ko. Tapos yung mga personal information ko po, nali-leak po sa social media.

“Hindi ko po ginusto yon at wala po akong intensiyon na mangyari yon,” ang pahayag ng sampaguita vendor.

Sabi pa ng estudyante, “Sa ngayon, halo-halo po yung kaba ko kasi nga po nasisante nga po siya (securtiy guard). Naisip ko rin po na dahil siguro po sa galit niya, baka balikan niya ako.

“Hindi naman po sa nag-o-overthink ako, pero may mga possible na ganoon po ang naiisip ko na baka isang araw, abangan niya po ako sa labas ng school namin or baka po pag nagtinda po ulit ako, abangan niya po ako.

“Base lang po yon sa konklusyon ko, base po sa nararamdaman ko. Natatakot lang po ako,” dagdag pang pahayag ng sampaguita vendor sa naturang panayam na sinadyang hindi ipakita ang mukha.

Sa isang bahagi ng interview, mariing pinabulaanan ng estudyante na hindi niya minura o dinuraan ang security guard, “Gusto kong humingi ng sorry sa kanya. Hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho.

Read more...