NAKARATING na sa Baguio City ang mpox (dating monkeypox), isang viral disease na nagdudulot ng pantal o paltos.
Ayon sa public information office (PIO) ng lungsod, ito ang first time na nagkaroon ng ganitong sakit sa kanilang lugar.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng health services office na ang pasyente ay isang 28-anyos na lalaki na may banayad na impeksyon ng MPXV Clade II.
Dagdag pa rito, sinabi na natapos na ng pasyente ang kanyang isolation at pinalabas noong January 17.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang Mpox Clade II ay “transmitted by close and intimate, skin-to-skin contact and through objects touched by patients with active skin lesions.”
Baka Bet Mo: Knows n’yo na ba…paano kumakalat, maiiwasan ang ‘mpox?’
Sa kabila ng tumataas na bilang ng mga kaso sa bansa, nilinaw ni Herbosa na hindi magpapatupad ang health agency ng border control o community quarantine (lockdowns).
Kung matatandaan, August last year nang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng mpox sa buong Pilipinas.
May apat na klase kung paano kumakalat ang nabanggit na sakit sa ibang tao.
Una na riyan ang “direct contact” sa mga pantal o rashes, sugat, o body fluids na mula sa isang infected person.
Pwede ring mahawa sa pamamagitan ng “extended close contact” na kung saan ay mahigit apat na oras kang exposed sa taong may mpox, lalo na kung may respiratory droplets kabilang na ang sexual contact.
Posible rin kung “indirect contact” na kung saan ay mahahawaan ka sa pamamagitan ng damit o gamit na hinawakan o natalsikan ng body fluids ng may sakit.
At ang panghuli, ang infected na buntis ay pwedeng maipasa ang virus sa kanilang fetus o namumuong sanggol.
Sa kasalukuyan, walang pang treatment o gamot na naaaprubahan para sa mpox.