AYAN na naman ang scammers! Nakahanap ulit sila ng pwedeng modus upang makapanloko.
Ginagamit naman nila ngayon ang pangalan ni Rufa Mae Quinto upang makahingi ng pera sa kanilang biktima.
Ang kanilang ibinibigay na rason, gagamitin pang-piyansa!
Kaya naman, agad na nag-post ang komedyana upang balaan ang publiko sa ganitong klaseng modus.
Sa Instagram Stories, ibinandera ng aktres ang ilang screenshots ng naging pag-uusap ng kanyang kakilala at ng scammer.
Baka Bet Mo: Pokwang ipinagtanggol ng netizen sa spelling ng ‘iodine’: Ayun naman pala!
Mababasa na ayaw sagutin ng suspek ang tawag dahil ito raw ay umiiyak umano.
“Mga scammer, ‘wag na kayo sumabay sa panloloko using my name,” bungad na caption ni Rufa Mae.
Giit pa niya, “Wala po akong hinihingi kahit kanino. Beware and aware, guys.”
Ibinahagi rin mismo ng aktres sa kanyang Facebook page ang nasabing screenshots.
Saad niya sa post, “Mga friends wag niyo po ito bibigyan ng pera kasi he is using my name para mamera.”
“Isa siyang scammer pero na report ko na po siya sa lawyer and sa police. Kaya tumigil ka na scammer using my name na mali spelling ng Ruffa. Kaya no no no!” wika pa niya.
Pakiusap pa niya sa fans, “Please share na never ako nag ask ng pera pang bail kahit kanino. At kahit kelan di ako humihingi pera or help kahit kanino. Paki share guys.”
Magugunitang dumating si Rufa Mae sa Pilipinas noong January 8 mula sa San Francisco, California via Philippine Airlines at kusa siyang sumuko sa mga tauhan ng NBI na siya ring sumundo sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay dahil sa warrant of arrest tulad ni Neri Miranda dahil sa mga kasong syndicated estafa.
Lumaya ang komedyana noong January 9 matapos magpiyansa sa halagang P1.7 million.
Naninindigan si Rufa Mae na siya ay inosente bilang isa rin siyang nabiktima ng naturang skincare company na hindi pa binabayaran ang kanyang endorsement fee.