RAMDAM na ramdam ngayon ng Kapuso Primetime Action Hero na si Ruru Madrid ang respeto at pagmamahal ng kanyang mga kasamahan sa trabaho sa entertainment industry.
Puro papuri ang ibinigay at ipinaabot ng kanyang mga co-stars sa season 2 ng GMA Prime series na “Lolong: Bayani ng Bayan” na magsisimula na bukas, January 30.
Sa presscon ng naturang serye, halos lahat ay nagbigay-pugay kay Ruru hindi lang bilang isang magaling na aktor kundi pati na ang pagiging mahusay na leader nito sa buong production.
Puro positibong komento ang narinig ni Ruru lalo na sa mga veteran stars na nakatrabaho na niya pagkatapos siyang makilala sa artista search ng GMA 7 na “Protégé: The Battle for the Big Artista Break” noong 2012.
Baka Bet Mo: Ruru Madrid binabagyo ng blessings; bongga na ang career, swerte pa sa lovelife
Reaksyon ni Ruru, “Nakakatuwa po, siyempre mapansin lamang po ng mga tinitingala nating artista o mga nirerespeto po nating mga senior actors, sobrang nakakataba po ng puso.
“Siyempre, kasi parang nasubaybayan po nila yung journey ko, sa karera ko, at nakakatuwa dahil hindi po nila nakakalimutan yun.
“At siguro sa akin, para bang doon ako lagi bumabalik. Kung papano ako nagsimula, ano ang hirap na pinagdaanan ko noon para makarating sa kung nasaan ako ngayon.
“Parang ang sarap na magbalik-tanaw and sobrang nakaka-humble,” pahayag ng binata.
May mga nagsabi rin na kahit sikat na ngayon ang aktor ay napapanatili nito ang pagiging humble at never din lumaki ang kanyang ulo.
Sabi ni Ruru tungkol dito, “Siguro para sa akin kasi, yung paglaki ng ulo or parang maging kampante, siguro mangyayari yan kapag, kumbaga, ingrato sa mga pangyayari.
“Kasi para sa akin, every day, lagi ako nagpapasalamat kasi alam ko anytime na gustuhin, na mawawala ito. Ang dali lang naman mawala, e.
“So, dahil alam ko yung hirap at mga pagsubok na pinagdanan ko bago ko siya makuha, hindi ko siya tini-take for granted.
“Kumbaga, hindi siya pumupunta sa ulo ko, hindi ako magiging mayabang, hindi lalaki yung ulo ko. Kasi ayoko nang bumalik sa kung paano po yung dati.
“Ang hirap po noon na parang noon, parang dinaan-daanan ka lang, hindi ka nirerespeto, or parang tingin sa yo wala lang or may mga sasabihin na hindi magaganda sa yo.
“Ang hirap. And I know marami pong nagdadanas ng ganung klaseng pakiramdam.
“So, gusto kong gamitin itong mga nangyayari po sa akin to give inspiration sa mga katulad kong nangangarap, na may mga ganung mga pagsubok na dumadaan sa atin.
“Pero basta magpursigi ka, manalig ka sa Panginoon, kung ano po yung nakalaan para sa atin, mangyayari yun,” sabi ng premyadong aktor.