Daniel, Anthony nagpakajologs; Jane de Leon pak na pak magkontrabida

Daniel, Anthony nagpakajologs; Jane de Leon pak na pak magkontrabida

KUNG hindi kami naka-facemask malamang makikitang nakanganga kami habang pinanonood ang limang araw na episode na puro bakbakan sa seryeng “Incognito” mula sa Star Creatives at Studio Sixty Three.

Isa kami sa naimbitahang manood ng ilang episodes ng upcoming action series ng ABS-CBN kagabi sa 9501, ELJ Building at masasabi naming para kaming nanonood ng foreign film.

Ganito ang peg ng “Incognito” na magaganda ang mga suot na damit ng mga bida at mga esekola pang kumilos sa pangunguna nina Richard Gutierrez, Kaila Estrada, Ian Veneracion at Baron Geisler na iniba ang karakter niya.

Samantalang sina Daniel Padilla at Anthony Jennings ay jologs ang dating kasi nga laking Sagada ang una at batang kalye na naniningil naman ng mga pautang ang huli.

Baka Bet Mo: Daniel naghahabol sa pagiging astig na action star nina Richard at Ian

Pero halos iisa ang pagkakapareho ng anim na bida na sina Richard, Baron, Kaila Estrada (hacker), Anthony at Daniel dahil lahat sila ay nagtrabaho sa military na nagkaroon lang ng mga kaso kaya natanggal sa serbisyo. Si Ian ang pinakapinuno ng grupo na kinokontak kapag may kinakaharap na problema ang gobyerno.

Ilang buwan kayang nag-aral ng kanilang fighting scenes sina Daniel at Kaila na nagpakita ng husay sa Muay Thai at boxing. Sina Ian at Richard ay sadyang magaling na aa aksyon dahil marunong naman sila ng martial arts.

Aliw si Anthony dahil away kalye ang alam na bahala na kung saan makarating ang suntok.

Si Baron ang sniper sa grupo kaya hindi niya need makipagsapakan, pero ang kahinaan niya ay kapag nakakakita ng alak na tila ibinase sa tunay niyang pagkatao. Pero nagbago na naman daw siya.

Si Jestoni Alarcon ay ang police general na humingi ng tulong sa grupo ni Ian para iligtas ang anak (Belle Mariano) na dinukot ng mga rebelde sa pangunguna nina Antonio Aquitania, Eric Tai at marami pang iba.

Si Agot Isidro ay hiwalay sa asawang pinuno ng negosyanteng kalaban ng gobyerno na si Art Acuna at anak nila si Elijah Canlas na maraming gustong kunin ang ulo niya dahil sa inggit at siya rin ang target dukitin ng grupong Incognito bilang kapalit ni Belle na pinadukot ni Art.

Muntikan naming hindi makilala si Jane de Leon dahil ang ganda niya ngayon at kontrabida ang karakter na mas bumagay sa kanya kaysa noong “Darna” days niya na lelembot-lembot.

Halos iisa ang naisip ng mga nakapanood sa limang araw na episodes ng “Incognito” sa pagbabalik ni Jane ay “with a vengeance” true naman talaga, ang sweet niya sa kanyang pinsang si Elijah pero iba ang plano, tingin nga namin mas bagay sa aktres ang kontrabida role kaysa maging bida.

Sa mga episodes na napanood namin ay kasama na sina Dino Imperial, Bembol Roco, Raymond Bagatsing, Cris Villanueva, Malou de Guzman, Ryan Eigenmann at Eddie Gutierrez.

Kasama sa mga bida si Maris Racal pero hindi pa siya kasama sa napanood namin kaya curious din kami kung ano ang magiging karakter niya.

Kaya namin nabanggit na foreign film ang peg ng “Incognito” ay sa dahilang bago sa paningin ng manonood ang location tulad sa El Nido, Palawan na talagang na-maximize dahil bawa’t sulok yata ng lugar ay nagamit.

May mga napanood kasi kaming local films na sa ibang bansa ang shoot, pero hindi mo naman ramdam dahil laging malapitan ang kuha, hindi man lang ipakita ang mga paligid kaya nakakahinayang kaya inisip tuloy namin ay baka walang permit kaya limitado ang mga shots?

Bukod dito, ang gaganda ang mga suot na damit, kudos sa stylist. Malamang ang laki ng budget niya at buong production, ang mahal-mahal at dami-daming talents pang ginamit mula sa opening hanggang sa limang episode na napanood namin.

At kung taga-prod ka, alam mo kung magkano ang budget ng bawa’t ulo plus ang mga pagkain pa ng mga ito, for sure hindi ito tipid dahil knowing Richard, gusto niya pare-pareho ang food ng artista at talents.

Hindi excuse na walang pera o nagtitipid ang ABS-CBN dahil pagdating sa mga programa nila ay kitang-kita na hindi uso sa kanila ang salitang “pagtitipid” basta’t sa ikagaganda ng programa kaya naman lagi naming binabati ang mga shows ng Kapamilya channel na hindi mapantayan ng sinumang network dahil sa kinis ng pagkakagawa at pagkakadirek ng mga programa.

Kahit na ang “FPJ’s Batang Quiapo”  kahit sabihing puro sa Quiapo o karatig lugar ang shooting, puro pasabog at maraming talents din ang gusto ng direktor-producer na si Coco Martin kaya hindi rin ito nakakatipid, huh.

‘Yun lang ang pagkakaiba ng “BQ” ay jologs ito base rin kasi sa kuwento at sosyal naman ang Incognito dahil iba naman ang istorya nila.

Samantala, bukod sa El Nido, Palawan ay lilipad din sila ng Bari, Apulia sa Southern Italy na tila paboritong pagsyutingan ng direktor na si Lester Pimentel Ong at ng team niya.

Mapapanood na ang “Ingcognito” bukas ng gabi, January 17 sa Netflix; iWant sa January 18 at Kapamilya channel free TV sa January 20.

Read more...