BUKOD sa walang pasok sa ilang lugar sa Metro Manila, inilabas na rin ang ilang road closures para sa darating na Lunes, January 13.
Ito ay kaugnay pa rin sa isasagawang peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na gaganapin sa Quirino Grandstand.
Sa pagtataya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), inaasahang isang milyong indibidwal ang dadalo sa nasabing event na magmumula pa sa iba’t-ibang probinsya.
Ang mga kalsadang isasara ngayong Lunes simula 4 a.m. ay ang Katigbak Drive, South Drive, Roxas Blvd. (mula UN Ave. hanggang P. Burgos), TM Kalaw, Bonifacio Drive (mula P. Burgos hanggang Anda Circle), P. Burgos (mula Roxas Blvd. hanggang Taft Ave.), at Maria Orosa.
Baka Bet Mo: Manila, Pasay, QC #WalangPasok sa Jan. 13 dahil sa ‘INC peace rally’
Samantala, pinapayuhan ang mga motorista sa mga sumusunod na reroutes patungong northbound: Roxas Blvd., kumanan sa Quirino Ave o UN Ave., kumaliwa sa Taft Ave. hanggang sa makarating sa destinasyon.
Para sa mga pribadong sasakyan na papuntang southbound: R-10 to Bonifacio Drive and Anda Circle, kumaliwa sa Soriano Ave., kumanan sa Muralla St., kumaliwa sa Magallanes Drive, kumanan sa P. Burgos to Taft Ave., hanggang sa makarating sa nais niyong puntahan.
Para naman sa mga truck na nagmula sa South Luzon Expressway (SLEX) na tutungo sa North Harbor: Dumiretso sa Osmeña Highway, kumanan sa Quirino Ave., diretso sa Nagtahan St. to Lacson Ave., kumaliwa sa Yuseco St., diresto sa Capulong St., kumaliwa o kumanan sa R-10 hanggang sa makarating sa destinayson.
Sa mga truck na may biyaheng papunta sa Parañaque: Kumanan sa Quirino Ave to Nagtahan at Lacson Ave. hanggang sa makarating sa pupuntahan.
Samantala, nauna nang inanunsyo na walang pasok ang mga tanggapan ng gobyerno at klase sa mga pampublikong paaralan sa Maynila, Pasay, at Quezon City.
Ngunit nilinaw na magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensyang may kinalaman sa serbisyong pangkalusugan, pagtugon sa sakuna, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ayon sa INC, ang rally ay sabay-sabay na isasagawa hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa ilang lungsod sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang pagsuporta sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos noong Nobyembre ng nakaraang taon na huwag ituloy ang planong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.